Splash brothers, angat sa GSW, Bucks, namayani kontra Pacers

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 29, 2023

Nanaig ang World Champion Golden State Warriors laban sa bisitang Toronto Raptors, 129-117, sa paghaharap ng mga lumaban sa 2019 Finals bilang bahagi ng NBA Rivals Week kahapon sa Chase Center. Pumutok ng todo ang “Splash Brothers” Stephen Curry at Klay Thompson sa 4th quarter upang umangat ang Warriors sa 25-24.
Inaalagaan ng Warriors ang 98-94 lamang sa simula ng huling quarter at parehong nagsumite ng tig-9 na puntos ang dalawang superstar at ang huling talaan ang siya ring pinakamalaking lamang ng Warriors. Nagtapos si Curry na may 35 puntos at 11 assist na sinundan ni Thompson na may 29 puntos.
Malaking bawi ito para kay Curry na pinatawan ng NBA ng multang $25,000 (P1.361M) bunga ng pagtapon ng mouthpiece sa huli nilang laro kontra Memphis Grizzlies. Tatlong beses lang sa 14 taon pinalabas si Curry sa laro at lahat na ito ay dahil sa mouthpiece kasama ang 2016 Finals kontra Cleveland Cavaliers at noong 2017 na kalaban din ang Memphis.
Ipinagdiwang ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang paghirang bilang kapitan ng 2023 All-Star Game at naging susi sa 141-131 pagwagi ng Milwaukee Bucks sa Indiana Pacers. Bago matapos ang first half ay umakyat ng 85-52 ang lamang ng Bucks at sapat na ito.
Double-double si Giannis na 41 puntos, 15 sa first half, at 12 rebound. Nag-ambag ng 20 puntos si Jrue Holiday. Naramdaman ng Cleveland ang pagliban ni All-Star Donovan Mitchell at pinataob sila ng Oklahoma City Thunder, 112-100. Pinatibay ni Shai Gilgeous-Alexander ang dahilan na mapiling reserba sa All-Star sa kanyang 35 puntos.
Sa unang tapatan ngayong taon ng dalawang prangkisa ng Florida, wagi ang Miami Heat sa Orlando Magic, 110-105, sa likod ng 29 puntos ni Jimmy Butler.





Comments