Speed Hitters, nakamit ang ikatlong panalo vs. Army
ni Gerard Arce - @Sports | July 24, 2022

Nakamit ng PLDT High Speed Hitters ang ikatlong panalo at second place upang talunin ang Army-Black Mamba sa iskor na 17-25, 25-11, 25-20, 25-18 sa maigsing single round elimination ng 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Naipadama ng High Speed Hitters ang matinding depensa sa laro ng harangan ang mga atake ng Lady Troopers na sinabayan ng sunod-sunod na palo nina Jules Samonte na may game-high 17 puntos mula sa 14 atake, 2 aces at 1 block, habang pumalo ng 13pts si Fiola Ceballos at Dell Palomata sa 12pts na naging player of the game. Mayroon namang inambag sa laro sina Rose Basas sa 11pts, at Mika Reyes na may 9pts mula sa 4 atake, 3 blocks at 2 aces upang umangat sa 3-1 kartada, habang si Rhea Dimaculangan ay may 20 excellent sets, kaantabay ang 4 na puntos.
“Siguro naging preparation is maging aggressive sa lahat ng palo at blocks,” pahayag ni Palomata, na nakakuha naman ng malaking tulong sa mga beteranong kasama upang magampanan ng mabuti ang paglalaro. “Malaking tulong sila, [kase] sila yung nag-motivate sa akin specially sa laro at sila yung hinuhugutan ko ng lakas.”
Bumagsak naman sa 2-2 kartada ang Lady Troopers na patuloy na wala sa bench si head coach KungFu Reyes, maging ang mga main hitters na sina Rose Tubino at Mitch Morente. Nagbida pa rin sa kanila si Jovelyn Gonzaga sa 11pts at Joanne Bunag sa 10pts.
Mga laro sa Martes (Mall of Asia Arena)
2:30 n.h. – Army-Black Mamba vs Chery Tiggo Crossovers
5:30 n.h. – Petro Gazz Angels vs Cignal HD Spikers.





Comments