Special leave benefits sa Magna Carta Law of Women
- BULGAR

- Mar 3, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 3, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay empleyado sa isang pribadong kumpanya mula noong 2008. Noong Enero ng kasalukuyang taon, kinailangan kong sumailalim sa laparascopy at biopsy dahil ako ay na-diagnose na may endometriosis. Hindi maganda ang resulta ng aking biopsy at sinabihan ako ng doktor na kailangan ko diumano muling sumalang sa isang operasyon sa susunod na buwan, kung saan ang aking matris ay tatanggalin na.
Gusto kong malaman kung maaari ko pa rin bang gamitin ang Special Leave Benefits for Women sa ilalim ng Magna Carta Law kahit ito ay nagamit ko na noong Enero. –France
Dear France,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R. A.) No. 9710 o mas kilala bilang “The Magna Carta of Women.” Nakasaad sa Section 18 ng batas na:
Section 18. Special Leave Benefits for Women. - A woman employee having rendered continuous aggregate employment service of at least six (6) months for the last twelve (12) months shall be entitled to a special leave benefit of two (2) months with full pay based on her gross monthly compensation following surgery caused by gynecological disorders. “
Kaugnay nito nakasaad sa Section 6 ng Department of Labor and Employment Department Order No. 112-A Series of 2012 na:
“Section 6. Frequency of Availment. – A woman employee can avail of the special leave benefit every instance of surgery due to gynecological disorder for a maximum total period of two (2) months per year.”
Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang isang babaeng empleyado na nakapagtrabaho na sa kumpanya nang hindi bababa sa 6 buwan ay may karapatan sa special leave benefit na nakapaloob sa R.A. No. 9710. Ang kuwalipikadong empleyado ay marapat na bigyan ng hanggang sa dalawang buwang special leave, sa mga pagkakataong itinakda ng batas. Ang nasabing special leave ay maaaring gamitin muli sa parehong taon, kung ang empleyado ay kinakailangang sumailalim sa isang operasyon kaugnay sa isang gynecological disorder, subalit ang kabuuang special leave ay marapat na hindi lalagpas sa 2 buwan.
Sa iyong sitwasyon, kahit nagamit mo na ang special leave benefit na ibinibigay ng R.A. No. 9710 ngayong taon, maaari ka pang gumamit nito kung hindi mo pa naman naubos ang 2 buwang special leave benefit kada taon na itinatakda ng batas.





Question lng po,pde rin po ba mag apply ng sss sickness benefits ksabay ng magna carta? Maraming salamat po sa inyong mgiging tugon.