Spandau Ballet papalag
- BULGAR
- Mar 14, 2022
- 2 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 14, 2022
Usapan sa social media ang magaganap na 2022 PHILRACOM "Classic Cup Race Division II" na ilalarga sa Marso 20 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Anim na tigasing kabayo ang magtatagisan ng bilis sa distansiyang 1,800 meter race.
Nanguna sa mga nagsaad ng pagsali sina Patong Patong na sasakyan ni jockey RC Baldonido at Spandau Ballet na papatungan ni Pabs Cabalejo.
Maliban kina Patong Patong at Spandau Ballet, ang ibang kalahok sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay sina Batang Cabrera, Flattering You, Magtotobetsky at Tocque Bell.
Maging si Tocque Bell na rerendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez ay kasama sa mga kuwentuhan na posibleng makasilat sa laban. May guaranteed prize na P750,000 ang ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta kung saan hahamigin ng mananalo ang P450,000.
Ibubulsa ng second placer ang P168,750 habang mapupunta sa third at fourth ang tig P93,750 at P37,500.
Samantala, bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ni Summer Cruise nang manalo sa Condition Race Merged na pinakawalan noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar, Tanauan City, Batangas.
Sinakyan ni jockey Rodeo G. Fernandez, lumabas ng tersero si Summer Cruise sa largahan upang panoorin ang nagbabakbakan sa unahan na sina Tool Of Choice at Headmastership.
Pagsapit ng far turn ay sina Tool Of Choice at Headmastership pa rin ang nag-uubusan ng lakas sa unahan subalit lumalapit na si Summer Cruise sa kanila.
Pagdating ng rektahan ay kumapit na sa unahan ang winning horse pero may malakas ang dating mula sa likuran at ito'y si Messi.
Hindi naman nasindak si Summer Cruise, dumiskarte si Fernandez at ginamit ang kanyang latigo upang manatili sa unahan hanggang sa pagtawid sa meta.
Nilista ni Summer Cruise ang tiyempong 1:26. 6 sa 1,400 meter race, dumating na segundo si Mandatum habang tersero si Tool Of Choice.





Comments