Sotto, Thompson, Ramos at Parks bida sa FIBA Cup
- BULGAR
- Nov 12, 2022
- 2 min read
ni GA /VA - @Sports | November 12, 2022

Matinding depensa ang ipinakita ng Gilas Pilipinas upang pahiyain ang host country Jordan sa sarili nitong bakuran, 74-66 panalo kahapon ng madaling araw (oras sa Pilipinas) sa Group E ng 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers sa Prince Hamza Hall sa capital city sa Amman.
Nagpakitang-gilas si 7-foot-3 center Kai Zachary Sotto ng pambihirang laro para sa team-high 16 puntos, kasama ang 7 rebounds, 2 assists at 2 blocks, maging ang all-around game ni Scottie Thompson na halos kumunekta ng triple double sa 8 puntos, 13 rebounds, 8 assists at isang steal upang talunin ang higher ranked na Jordan na nasa 35th habang 41st ang Pilipinas.
Tumulong din sa Gilas si dating TNT player Bobby Ray Parks ng 11-sa-kanyang-13 puntos sa first half, habang pinunan ni CJ Perez ang sinimulan ni Parks sa 11 puntos at 5 assists.
Mas napansin ang depensa ng Gilas lalo sa 3rd quarter nang limitahan lang sa 10 puntos ang host squad matapos lumikha ng 21 puntos mula sa halftime sa 41-37 patungong 51-58 papasok ng final canto.
Nagsimula ang pagbanat ng Gilas squad matapos ang 53-45, nang magsalpak ng field goal si Ange Kouame ng Ateneo Blue Eagles. Nagawa pa nilang ilatag ang pinakamalaking bentahe sa 14 sa 71-57 matapos ang tip-in ni Poy Erram sa natitirang 4:18 ng laro.
Pumukol si Dwight Ramos ng 5 puntos, 3 rebounds, 4 assists, 4 steals at isang block na natapat sa pagbabantay kay naturalized player Dar Tucker na kumulekta ng game-high 23 pts.
Isa ito sa malaking panalo ng Gilas sa Asian qualifiers dahil sila ang unang tumalo sa Jordan sapul noong 2018, habang bumagsak sa 3-4 kartada, pumangatlo ang Pilipinas sa 4-3 sa likod ng Lebanon at New Zealand sa 6-1 marka. Nasa 5th place ang makakatapat ng Gilas sa Lunes na Saudi Arabia sa 2-5 rekord, habang bokya ang India sa 0-7 sa Group E standings.








Comments