Social services ng gobyerno, ‘wag gamitin sa pulitika

by Info @Editorial | June 28, 2024

Nangangamoy eleksyon na naman. Nagpaparamdam na ang mga kandidato.
Kapansin-pansin na biglang naglalabasan sa kanilang opisina ang mga opisyal na tuwing kampanya lang nakikita. Istayl bulok pa rin.
Ang isa pa sa hindi nababago ay ang pasimpleng paggamit sa mga programa at serbisyo ng gobyerno para bumango ang pangalan at ‘di makalimutan sa balota.
Tuwing maghahalalan, mahigpit ang babala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato na bawal gumamit ng mga government social services para makakuha lang ng mga boto.
Ang pamimili at pagbebenta umano ng boto ay hindi lamang sa pamamagitan ng pera kundi mga pekeng pangako.
Tigilan din ang sobrang agang pangangampanya, next year pa ang eleksyon, ang atupagin n’yo ay ang trabaho sa komunidad na matatapos na lang ang inyong termino ay hindi pa rin nasosolb ang mga problema tulad ng sira-sirang kalsada, trapik, tambak ng basura at ngayong tag-ulan, nand’yan na naman ang baha.
Huwag n’yong kalimutan na may social media na ngayon, bawat kilos, salita at pang-eepal na ginagawa ay bantay-sarado sa mga mapanuring netizens. Hindi na uubra ang pang-uuto at paggamit sa makinarya ng gobyerno para sa pansariling interes, kaya magbago na kayo.



Comments