ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 1, 2023
Pinaaalalahanan natin ang ating mga kababayan na may postpaid mobile phone account sa mga telco na busisiing mabuti ang mga singilin o billing na ipinadadala ng mga nasabing kumpanya kada buwan.
Sa totoo lang, nitong nakaraang sunud-sunod na tatlong buwan, nakaranas ako mismo ng overcharging ng isang telco para sa data usage na hindi dapat mangyari sa isang postpaid account na may tinatawag na “hard stop” o awtomatikong pagtigil ng data consumption sa sandaling marating nito ang itinakdang limit sa ilalim ng piniling plan.
Noong una ay basta ko binayaran ang halagang nakasaad sa bill kahit tila sobra ito sa nagamit ko, ngunit sa ikalawang pagkakataon ay naglaan na ako ng oras para tingnan ang mga detalye at doon ko napagtanto na na-overcharge ako ng Smart Communications Inc. na kaagad kong tinawagan.
Kinumpirma naman ng customer service nito na mali at sobra nga ang sinisingil sa akin at nagbigay sila ng ulat sa kanilang support team para maitama ang nasabing overbilling.
Ang akala ko ay hindi na mauulit ang nasabing pagkakamali matapos nilang i-reverse ang karagdagang libong nauna nang siningil sa akin.
Nagbigay pa naman ako ng excellent rating sa customer service staff na nag-asikaso sa akin sa pag-aakalang iyon na ang katapusan ng aking sakit ng ulo at abala sa akin sa gitna ng kailangan ko pang gawing paghahain ng hinaing sa pamamagitan ng hotline ng nasabing telco.
Subalit noong Linggo, nagulat na naman ako sa natanggap kong text mula sa telco na nagsasabing, “Your Smart account has reached 50% of your credit limit. Your credit limit balance may not be sufficient for this billing period. To enjoy continuous service, we encourage you to make partial payment...”
Nakakayamot na kinailangan ko na namang tumawag sa hotline ng nasabing telco para ipaabot sa mas nakatataas na puwesto o higher support ang ganitong sitwasyon. Masyado nang nakakaabala ang paulit-ulit na “not once or twice but even thrice” na erroneous overcharging.
Sa aking muling pagtawag, sinubok uli ang aking pasensya nang sinabi sa akin na makikita ko pa rin sa aking bill ang overcharging dahil na-generate na ito at kailangan kong tumawag muli para ito ay ipa-reverse pagdating ng Disyembre.
Sa kabila ng buwanan ko nang binabayaran sa telco sa ilalim ng pinili kong postpaid account, sloppy service ang isinusukli na malinaw na paglabag sa mandato ng telco sa ilalim ng prangkisa nito.
Kaya nananawagan tayo sa presidente at CEO ng Smart na si Ginoong Al Panlilio na tingnan ang diumano’y system error na ito na maaaring higit na marami pang nakararanas at naaabalang subscribers.
Para sa ordinaryong mamamayan, bawat piso ay mahalaga at hindi ito dapat basta makuha sa kanila ng isang palyadong sistema ng telekomunikasyon. Higit sa lahat, hindi dapat masayang ang oras ng mga subscriber sa paulit-ulit na pagtawag upang maitama ang anumang maling singilin.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments