Sobrang pag-import ng baboy, pinalagan
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 1, 2026

Photo: Sen. Imee Marcos / FP
Mahigpit na kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos ang Executive Order No. 116 na halos apat na beses na pinalaki ang Minimum Access Volume (MAV) para sa imported na baboy.
Mula sa dating 54,210 metric tons, umabot na ito ngayon sa 204,210 metric tons.
Ayon sa pamahalaan, ginawa ito dahil umano sa kakulangan ng suplay ng baboy sa bansa at upang maibsan ang epekto ng inflation sa mga mamimili.
“Kalokohan ang basehan ng EO 116. Mismong PSA na ang nagsabi, bigas, mais, isda, at gulay ang mga pangunahing sanhi ng inflation at hindi baboy, at hindi rin naman kulang ang suplay ng baboy sa bansa,” wika ng senador.
Ayon pa kay Marcos, lalo lamang bumabagsak ang farmgate price ng live hogs dahil sa pagdagsa ng imported na baboy na nasa P165 kada kilo na lamang ngayon sa merkado mula sa P170 noong nakaraang taon. Noong 2025, umabot sa 891 milyong kilo ang naipasok na imported pork sa bansa, habang ngayong 2026 ay halos 300 milyong kilo
agad ang naangkat sa loob lamang ng unang apat na buwan.
“Labis na ata ang importasyon ng baboy. Winasak na nga ng ASF ang industriya natin, hindi pa ba tayo natuto? Galing nga sa imported na liempo ‘yang ASF tapos hinayaan pa ng gobyernong dagsain tayo ng imported — lalo lang babagsak ang presyo ng lokal sa ganyan,” pahayag niya.
Binanggit din ng senadora na batay sa datos ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), bahagyang bumaba lamang ang lokal na produksyon ng baboy mula 1.411 milyong metric tons noong 2024 tungo sa 1.377 milyong metric tons noong 2025 — katumbas ng humigit-kumulang 34,000 metric tons na pagbaba.
“Hindi naman gumuho ang lokal na produksyon para bigyang-katwiran ang ganitong kalaking importasyon. Talagang mas pinipili lang nilang umasa sa imported kaysa palakasin ang lokal,” ani Marcos.





Comments