top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Smuggled cars, 'wag hayaang makalusot

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 22, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 22, 2023


Babala sa sinumang indibidwal na masasangkot sa pagpaparehistro ng mga smuggled cars dahil may parusang naghihintay para rito, ayon sa Land Transportation Office (LTO).


Kasabay ng kanilang pagsisikap, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza, katuwang ang Bureau of Customs (BOC) ay wawakasan nila ang pagpasok ng mga smuggled na mga sasakyan sa ating bansa.


Paliwanag ng LTO chief, ang pakikipag-ugnayan sa BOC ay magbibigay-daan para sa kanilang ahensya na matiyak na walang puslit na sasakyan ang mairerehistro sa alinmang tanggapan ng LTO sa buong bansa. Giit din niya na ang paglaban sa smuggling ng mga sasakyan ay nangangahulugan din ng pagpigil at pagpuksa sa kriminalidad, at may kaukulang parusa para rito.


Ayon pa kay Mendoza, palalakasin nila ang kanilang ugnayan sa BOC upang mapigilan ang pagpasok ng mga smuggled na sasakyan hindi lamang sa Visayas, kundi maging sa buong bansa.


Nanawagan naman siya sa mga regional director at district head na panatilihin ang koordinasyon sa BOC sa kanilang mga lugar.


Binigyang-diin din ng opisyal na ibibigay ng LTO ang lahat ng kinakailangang tulong sa BOC para matiyak na lahat ng imported na mga sasakyan na papasok sa bansa ay maayos na naidokumento.


Hinikayat din niya ang publiko na i-report ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa pagpigil sa pagpasok ng puslit na mga sasakyan.


Maganda ang layunin ng magkatuwang na ahensya ng gobyerno na kundi man masugpo ay mapigilan ang pagpasok ng smuggled na mga sasakyan sa ating bansa at maiparehistro pa ito.


Maiiwasan na ang ganitong ilegal na gawain, kung saan ang mga imported na sasakyan ay malayang makapasok sa ating bansa na walang kaukulang dokumento at hindi magbayad ng tamang buwis para rito.


Siguro dapat na makiisa ang mga mamamayan sa ginagawang ito ng kinauukulan at huwag ding balewalain. Isipin natin na malaking tulong ito para sa ating ekonomiya kung tuluyang masusugpo ang smuggling sa bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page