top of page
Search
BULGAR

Smartphone at gadgets para ‘di makaabala, ibabawal sa klasrum

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 13, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Maliban sa pagbaba ng marka ng mga mag-aaral, nauugnay din ang access sa mga gadgets sa cyberbullying, kaya dapat nating higpitan ang paggamit sa mobile devices at iba pang electronic gadgets, lalo na sa oras ng klase. Ito ang dahilan sa paghain ng inyong lingkod ng panukalang batas na Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706). Layon nitong ipagbawal ang paggamit ng mobile device at electronic gadgets sa oras ng klase. 


Sa ilalim ng panukala, magiging mandato ng Department of Education (DepEd) ang pagbalangkas ng mga pamantayang nagbabawal sa paggamit ng mobile devices at electronic gadget sa loob ng mga paaralan sa oras ng klase. Saklaw ng naturang mga pamantayan ang mga mag-aaral ng kindergarten hanggang senior high school sa parehong public at private schools. Hindi lang sa mga estudyante ipagbabawal ang paggamit ng mobile devices at electronic gadgets sa oras ng klase, kundi pati rin sa mga guro. 


Kung titingnan natin ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na 8 sa 10 na mga 15 taong gulang na mag-aaral ang iniulat na naabala sila sa paggamit ng smartphone sa klase. Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing naabala sila ng paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone sa oras ng klase. Lumalabas din sa resulta ng PISA na nauugnay ang pagkakaabala na dulot ng paggamit ng smartphone sa pagbaba ng 9.3 points sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 sa reading. 


Pero may ilang exemptions at may mga pagkakataon pa rin naman na maaari silang gumamit ng mga smartphone o electronic gadget. Halimbawa na riyan ang classroom presentation at iba pang mga gawain, mga sitwasyong may kinalaman sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, at mga pagkakataong may kinalaman sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga gawain sa labas ng eskwela. 


Sa 2023 Global Education Monitoring Report, inirekomenda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng mobile phones sa klase. Lumabas sa naturang ulat na 13 porsyento ng mga bansa sa mundo ang may mga batas na nagbabawal o naghihigpit sa paggamit ng mobile phones sa mga paaralan, habang 14 porsyento naman ang mga may polisiya, estratehiya, o mga pamantayan para sa parehong layunin. 


Nais nating linawin na hindi tayo nagdududa sa mga benepisyo ng teknolohiya pagdating sa edukasyon. Kailangan lang nating antabayanan at gabayan ang paggamit ng gadgets ng mga bata, para hindi ito makaabala o makapinsala sa pag-aaral, lalo na’t pinagmumulan ito ng mga kaso ng cyberbullying, kawalan ng gana sa pagbabasa ng mga libro, at kawalan ng interes na matuto ng bagong mga kaalaman at aralin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page