ni Fely Ng @Bulgarific | February 16, 2023
Hello, Bulgarians! Sa kauna-unahang pagkakataon at bilang pagkilala sa kabayanihan at serbisyo sa bansa at ating mga kababayan, binigyang-parangal ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ang magigiting na operatiba at maaasahang partner sectors nito sa isang seremonya kamakailan sa MAAX Auditorium, SM Mall of Asia Complex, Pasay City.
Pinarangalan ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ang Philippine Investigative Media Alliance Inc. (PIMAI) bilang katuwang ng Task Force sa pagpapalaganap ng adbokasiya nito tungo sa road-user safety. Malugod na tinanggap ni PIMAI President Bernard Miñoza ang pagkilala sa parangal ng IACT sa pamumuno ni I-ACT Chief Charlie Del Rosario. Ang parangal na ito ay bahagi ng I-ACT AT YOUR SERVICE AWARD MEDIA PARTNER.
Mas pinalawig ng IACT at Department of Transportation (DOTr) ang pagbibigay-pansin sa magigiting na tauhan ng Task Force na nagpapamalas ng kabayanihan sa pagsagip ng buhay, pagpapanatili ng seguridad, at pagpapakita ng katapatan. Gayundin ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor at bukod tanging pamumuno at serbisyo ng mga lokal na pamahalaan at katuwang na mga pribadong institusyon.
Bilang kaagapay ng bawat Pilipinong road-users, malaki ang naging papel ng Task Force sa pangangalaga sa seguridad at kaligtasan ng lahat bago pa man dumating ang pandemya. Naging saksi naman ang iba’t ibang sektor at mga netizens sa round o’ clock na kahandaan ng I-ACT na magbigay ng serbisyo-publiko sa lansangan araw man o gabi.
Mula sa simpleng pagtulong sa mga pasahero hanggang sa pagsagip ng nag-aagaw-buhay na road-user, napakaraming kuwentong kapupulutan ng aral at inspirasyon ang natutunghayan ng ating mga mananakay mula sa I-ACT.
Ngayong taon, mas binigyang-pansin ng Task Force ang kabayanihan ng mga tauhan nito at walang sawang pagtulong ng mga ahensyang naging kabahagi nito sa kanyang paglago at pangangalaga sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng parangal na pinagamatang: “I-ACT At Your Service Awards.”
“Kaya sa aming mga operatiba at katuwang na mga ahensya, saludo kami sa ipinakita ninyong suporta, kagalingan sa inyong larangan, at suporta sa pangangalaga ng bayan at mga Pilipino.” – IACT.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comentários