'Sleya' tinibag ang Vietnam para sa SEA V Cup 1st win
- BULGAR

- Aug 9
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 9, 2026

Photo: Naalis na ang 'sumpa' mula sa kill block na ito ni Eya Laure ng Alas Women laban sa spike ni Tran Thi Bich Thuy sa 4th set na pumutol sa 7 sunod na pagkatalo ng Pinays sa Vietnam sa 6th SEA V Cup 2nd leg sa Chiang Mai.
Pinatunayan ni Eya Laure ang bansag sa kanyang ‘Sleya’ matapos paslangin ang Vietnam national squad upang tapusin ang 15-game losing skid o halos pitong taong pagkalugmok sa pandaigdigang kompetisyon sa bisa ng 22-25, 25-23, 25-21, 25-22, kahapon sa second leg ng 2026 Southeast Asia V Cup na ginanap sa Chiang Mai Stadium sa Thailand.
Gumiya ng pambihirang panalo ang Alas squad mula sa matikas na 22 puntos mula sa 19 kills ng outside hitter star, kabilang ang magkasunod na spike at matatag na kill block kontra kay Tran Thi Bich Thuy sa 4th set na nagbigay ng unang panalo sa koponan at malaking posibilidad na makakuha ng podium finish sa ika-anim na edisyon.
Sumegunda sa scoring si dating NU Lady Bulldogs at dati ring Osaka Marvelous hitter Alyssa Solomon sa 17 puntos habang kumarga si 3x collegiate MVP Mhicaela “Bella” Belen sa 16 marka mula sa 12 atake.
Nag-ambag din sa koponang minamanduhan ni Chief Tactician Taka Minowa sina middle blockers Thea Gagate sa 10 puntos at Dell Palomata sa 9 na puntos upang muling makatikim ng panalo laban sa Vietnam mula noong Oktubre 2019 sa ASEAN Grand Prix.
Bumida para sa Vietnam si Tran Thi Thanh Thuy sa 25 points, na sinundan ni Pham Quynh Huong sa 14 pts, na sunod na makakatapat ang powerhouse Thailand sa main game.





Comments