Sising-sisi, lumuhod sa bubog… WISH NI JOEY: WINWYN, ‘WAG MAKATAGPO NG BABAERONG TULAD NIYA
- BULGAR

- 4 hours ago
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | May 17, 2026

Photo: FTWBA / YT
Binalikan ng mag-amang Winwyn Marquez at Joey Marquez ang ilang mahahalagang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang pag-guest sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Sa panayam, inilahad ni Joey ang ilan sa kanyang mga pagkakamali noong nakaraan at sinabi niyang nais niyang matuto ang kanyang mga anak mula sa kanyang mga pinagdaanan.
Aminado siyang ayaw niyang makatuluyan ni Winwyn ang lalaking katulad niya noon. Kilala noon sa pagiging babaero sa showbiz ang komedyanteng aktor at inamin niyang ayaw niyang danasin ni Winwyn ang parehong sakit sa relasyon na naibigay niya sa mga nakarelasyon niya.
Tinanong ng King of Talk na si Boy Abunda si Joey kung ipinagdasal ba niyang huwag makatagpo si Winwyn ng lalaking katulad niya.
Agad namang sumagot si Winwyn ng may halong biro at katapatan, “Ako po ang nagdasal n’yan.”
Inamin din ni Joey na marami siyang pinagsisisihan sa nakaraan.
Sey niya, “Simple lang, Kuya Boy… lumuhod ako sa bubog. Sabi ko naman, ‘wag naman sana. I made a mistake, hanggang sa akin na lang.”
Sa kabila nito, sinabi ni Joey na hindi niya kontrolado ang buhay-pag-ibig ng kanyang mga anak. Mas gusto raw niyang gabayan sila at ipaunawa ang mga posibleng epekto ng kanilang mga desisyon.
“I gave them all the freedom. Basta’t ang deal ko lang sa kanila, ‘You’re of the right age, and stable, you decide.’ Ako, nandu’n lang ‘pag may problema,” saad niya.
Dagdag pa niya, mas mahalaga para sa kanya ang pagiging gabay kaysa pagiging istrikto bilang ama.
Samantala, patuloy namang hinahangaan si Winwyn Marquez sa kanyang tagumpay sa showbiz at pageantry, kabilang ang kanyang pagkapanalo bilang kauna-unahang Filipina na “Asian Reina Hispanoamericana 2017” titleholder.
NAGSALITA na ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE) Big Winner na si Mika Salamanca sa kanyang X (dating Twitter) account sa gitna ng mainit na usaping-pampulitika online at nanawagan sa mga netizens na huwag gawing sentro ng galit ang mga artista at content creators.
Ayon sa kanya, mas mahalagang ituon ang atensiyon sa tunay na mga isyu ng bansa kaysa sa personal na pag-atake sa mga indibidwal.
Binigyang-diin din niya na dapat kasingtaas ng standards ng publiko sa mga artista at influencers ang standards nila sa mga lider na kanilang ihahalal sa 2028.
Sey ni Mika, “Stop using this situation to hate artists that you don’t like. Sana, ilagay natin sa tama ‘yung galit natin at sana, kung gaano kataas (ang) standards n’yo sa mga content creators at artista, ganyan din kataas (ang) standards n’yo sa mga iuupo n’yo sa 2028.”
Samantala, nagbahagi rin si Mika kamakailan ng makahulugang mensahe tungkol sa impluwensiya ng mga bagay at taong pinipili nating hangaan.
Sa kanyang post, aniya, “You become the person you worship,” bilang paalala na ang ating mga pinahahalagahan ay may malaking epekto sa ating pagkatao at direksiyon sa buhay.
BIBIGYANG-PUGAY at pararangalan ng Lifetime Achievement Awards ang tatlo sa pinagpipitaganang personalidad at icons sa industriya ng musika sa Pilipinas.
Ang music icons na sina Celeste Legaspi, Andrew E. at Mon del Rosario ang napagdesisyunan ng mga opisyal at miyembro ng Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards, Inc. na gawaran ng espesyal na mga parangal ngayong taon dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa Philippine music industry.
Pararangalan sina Celeste at Andrew E. ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Awards habang tatanggapin naman ni Mon ang Levi Celerio Lifetime Achievement Award sa gaganaping 17th Star Awards for Music sa Teatrino, Greenhills, San Juan City sa Hunyo 25.
Nauna nang naparangalan ng PMPC si Celeste noong 2011 nang mapabilang siya sa 15 OPM Icons na binigyan ng special awards sa 3rd Star Awards for Music.
Si Andrew E. naman ay nanalo ng Rap Album of the Year para sa kanyang Club Zilla album sa 2nd Star Awards for Music noong 2010.
Si Celeste ay isang singer, artista, at producer sa recording, pelikula, at teatro. Anak siya ng National Artist for Visual Arts na si Cesar Legaspi. Kabilang si Celeste sa mga aktibong nagsusulong ng Pinoy music kaya isa siya sa mga founder ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM).
Bilang mang-aawit, ang kanyang mga single at album noong 1970s at 1980s ay nagkamit ng gold at platinum status. Kabilang sa mga pinasikat niyang awitin ang Saranggola ni Pepe, Tuliro, Gaano Ko Ikaw Kamahal, Minsan Ang Minahal Ay Ako, Movie Fan, Waray-Waray, at ang trending sa TikTok ngayon na Mamang Sorbetero.
Nakilala naman si Andrew E. bilang isa sa mga pangunahing rapper at hip-hop artist ng bansa na sumikat hindi lang bilang recording artist kundi bilang artista rin. Madalas na hango sa kanyang mga hit songs ang mga titulo ng kanyang pelikula gaya ng signature song niyang Humanap Ka ng Panget, ‘Wag Kang Gamol, Andrew Ford Medina, Alabang Girls, Manchichiritchit, Ang Boyfriend Kong Gamol, Ikaw Ang Miss Universe Ng Buhay Ko, Banyo Queen, at ang patok sa TikTok (TT) na Shoot-Shoot.
Samantala, si Mon del Rosario ay isang multi-awarded composer, arranger, at record producer. Siya ang nag-compose ng classic hits na Somewhere In My Past ni Julie Vega, I Love You, Boy ni Timmy Cruz, Sino ang Baliw, Tamis ng Unang Halik ni Tina Paner, at ng monster hit na Isang Linggong Pag-ibig ni Imelda Papin.
Makakatuwang ng PMPC Star Awards Inc. sa pag-organisa ng 17th Star Awards for Music ang Echo Jham Entertainment Production na pinamumunuan ni Mhae Sarenas. Si Calvin Neria ang magdidirek ng naturang awards night.
Ang Echo Jham ay isa sa mga kilalang production companies ngayon na nag-oorganisa at nagpo-produce ng mga bigating concerts at events dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ang Echo Jham ang nag-produce ng matagumpay na 20th anniversary concert ni Nina noong Mayo 9, 2026 sa Newport Performing Arts Theater.
Sa pangunguna ng kasalukuyang pangulo ng PMPC Star Awards, Inc. na si Fernan de Guzman at ng overall chairman ng 17th Star Awards for Music na si Mell Navarro, kasama ang mga opisyal at miyembro ng grupo, sinisiguro nilang magiging maganda at maningning ang nalalapit na awards night sa tulong ng Echo Jham.





Comments