Sisiguraduhin ni Coach Stajcic na aangat ang U-17 at U-20 Booters
- BULGAR

- Jan 29, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 29, 2023

Kinuha ang Philippine Women’s Football National Team coach upang masigurado na ang kanilang makasaysayang paglahok sa 2023 FIFA Women’s World Cup at masusundan sa 2027. Pormal na inihayag ng pamunuan ng koponan ang pagtalaga kay Coach Alen Stajcic sa Under-17 at Coach Nahuel Arrarte sa Under-20 na tiyak magbabago ng anyo ng laro sa bansa.
Malugod din na ibinalita ni Coach Stajcic ang matagumpay na tatlong araw na kampo sa California, USA kung saan tinatayang mahigit 110 na Pinay ang nagbakasakali na maging bahagi ng pambansang koponan. Ang mga kandidata ay galing hindi lang sa Estados Unidos at Canada kundi may ilan din na naglakbay pa mula Europa.
Hindi pa tapos ang paghahanap ng mga bagong Filipina at ginanap noong Enero 26 ang isa pang tryout sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Dumayo ang coaching staff noong Biyernes sa Tionko Field ng Davao City para sa mga taga-Mindanao at tutuloy agad sa Dynamic Herb Sports Complex sa Talisay City, Cebu nitong Sabado para sa mga taga-Visayas.
Ginawang halimbawa ni Coach Stajcic ang Japan na nagsimula sa wala hanggang makoronahang kampeon ng Women’s World Cup noong 2011 sa Alemanya at pumangalawa noong 2015 sa Canada. Nagtiyaga ang mga Hapon at nagtatag ng pinagkaisang programa upang maabot ang tagumpay.
Sa ngayon, kabaligtaran ang nangyayari sa Pilipinas at ang Women’s Football ay pinapalaganap simula sa taas o Seniors imbes sa ginagawa ng karamihan na nagsisimula sa grassroots. Dahil pareho na ang mga coach at sistema, magiging madali para sa mga kabataang manlalaro oras na umakyat sila.





Comments