Sinungaling daw, gawa-gawa lang ang kuwento… WILLIE, HINAMON ANG OJT NA NAGKALAT NA BAWAL SIYANG TINGNAN
- BULGAR

- 6 hours ago
- 4 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | May 9, 2026

Photo: Circulated
Nag-viral ang naging pahayag ng aktor at TV host na si Willie Revillame sa live episode ng Wilyonaryo noong May 6, 2026 tungkol sa isyung bawal daw siyang tingnan.
Saad ni Willie, “Alam n’yo nu’ng nabanggit ko lang ang pagbabalik ng Wowowin, marami nang lumabas sa social media na paninira. ‘Wag ho kayong maniniwala r’yan na bawal daw akong tingnan.
“Una, ‘di ko ho alam na OJT o mayroon naka-intern d’yan na mga estudyante. ‘Di ko ho alam ‘yan. ‘Di ako nakikipag-usap. Tsaka ru’n ho sa GMA ‘yung aking dressing room. Walang tao ru’n paglakad ko, backstage ‘yun.
“Kaya ‘wag po kayong maniniwala na bawal akong tingnan o ano. Siraulo ‘tong batang ‘to. Gustong sumikat. Pati ako, gagamitin n’yo? Paano mo masasabi na bawal akong tingnan?
Eh, lahat nga ng makikita ko, niloloko ko, ‘di ba? Binibiro ko.
“At sino ba ‘tong batang ‘to, naglalabas ng ano, eh. Nakita n’yo ba? May nagse-send sa akin.
“Alam mo, ikaw, bata ka pa. Minsan mabubwisit ka na lang sa mga fake news na ‘to, eh. Wala kang magagawa. ‘Di nga namin kilala ‘to. Sino ba ‘yung ano? Bawal daw akong tingnan, ni ‘di nga kita kilala, eh. ‘Di ka namin nakita. Saka, wala kaming OJT (on the job training) ho na pinapapasok d’yan.
“Sino ‘to? Bawal daw akong tingnan. Sino ‘yung batang ‘to na in-interview yata naman ng kung sinu-sino r’yan. Gagamitin n’yo pa kami. Babalik lang ang Wowowin, sisiraan n’yo pa ako. Babalik ho ang Wowowin para makatulong sa mga kababayan sa hirap ng buhay ngayon.
“Gumagawa na nga ng paraan, eh. Saka, ‘di namin kilala ho ‘yang batang ‘yan. Never ho naming nakita ‘yan sa GMA.
“Kaya kung ako sa ‘yo, pumunta ka rito, magpakilala ka sa akin at mag-one-on-one tayo. Sabihin mo sa akin kung kailan kita nakita. Gagawa ka ng isang istorya para sumikat ka? Gagawa ka ng istorya para makilala ka? Paglalaruan n’yo ‘yung tao.
“Alam n’yo ho, ang Facebook (FB) at YouTube (YT), dapat ‘yan, ginagamit natin sa kabutihan, sa news na tama, ‘di fake news. ‘Wag n’yong gagamitin ‘yan para makapanira kayo ng ibang tao.
“Una sa lahat, wala kaming tinatanggap na ganyan. Ako personally, wala. Maaari ‘yan na mga staff namin ang kausap. ‘Di ko alam ‘yan.
“Nagsasalita ka nang ‘di totoo. Sayang, bata ka pa lang, nagsisinungaling ka na. Sana, maging maayos ang buhay mo. ‘Di ko gagawin ‘yan saka ‘di totoo ‘yan. Saka, nu’ng inilabas namin ‘yung Wowowin, saka kayo gumaganyan. Bakit sa mga ibang programa, bakit ‘di mo ‘yan sinabi during the time ng Wowowin sa GMA? Bakit ‘di mo sinabi ‘yan? Nagreklamo ka ru’n.
“Bakit ngayon ka nagpapa-interview? ‘Wag kayong manggamit ng kapwa n’yo at maninira lang. Sana, kung ikaw ay estudyante noon, sana naka-graduate ka.
Tanging pangarap ko sa ‘yo, makapagtapos ka at maging maayos ang buhay mo at ‘wag kang magsisinungaling. Sa lahat ng mga ‘yan na nagsasabi ng ganu’n ho talaga, eh, puro paninira na lang nakikita mo sa lahat. Wala nang ginawa kaya ang buhay natin, tayu-tayo ang naglalaglagan na.’”
Anyway, isa si yours truly sa nakapasok na sa dressing room ni Willie noong mga panahong iyon kapag bumibisita ang ilang miyembro ng press para mainterbyu siya.
Samantala, ang Wowowin ay patuloy na humahawak ng isang napakalaking digital footprint na pinagsasama-sama ng higit sa 25,672,990 followers sa buong Facebook (FB) at YouTube (YT) at patuloy pang nadaragdagan.
Isang malaking congratulations, Willie Revillame!
KIM AT PAULO, MOVIE ACTRESS AT ACTOR OF THE YEAR
NAG-UWI ng iba’t ibang parangal ang ABS-CBN para sa mga huwarang programa at personalidad nito sa 7th Village Pipol Choice Awards (VPCA) na ginanap kamakailan.
Itinanghal na Movie of the Year ang romantic-comedy hit ng Star Cinema na My Love Will Make You Disappear (MLWMYD). Kinilala rin ang mga bida nitong sina Kim Chiu at Paulo Avelino bilang Movie Actress of the Year at Movie Actor of the Year. Panalo rin ang KimPau bilang Pipol Sexiest of the Year.
Ginawaran naman ang TV Patrol (TVP) bilang News Program of the Year para sa tapat at mapagkakatiwalaang pagbabalita.
Nagwagi rin si Alexa Ilacad bilang TV Host of the Year para sa Pinoy Big Brother (PBB). Kinilala rin ang ilang dating housemates ng PBB. Panalo si Fyang Smith bilang Breakthrough Star of the Year. Si Esnyr naman ay pinarangalan bilang YouTuber of the Year. Habang si Bianca de Vera ay ginawaran bilang Promising Female Star of the Year.
Ang tambalan nina Bianca at Dustin Yu na ‘DustBia’ ay itinanghal na Fandom of the Year, habang si Rave Victoria ay nagwagi bilang Male Face of the Year.
Matapos ang kanilang historic debut sa Coachella, kinilala rin ang nation’s girl group na BINI bilang P-Pop Group of the Year, habang ang miyembro nitong si Maloi Ricalde ay panalo rin bilang Female TikTok Face of the Year.
Samantala, itinanghal ang WRIVE bilang Rising P-pop Group, habang ang hit song ni Rain Celmar na Pahuway ay nagwagi ng OPM Song of the Year. Si Kolette Madello naman ay ginawaran bilang Solo Performer of the Year para sa Call Me Kolette.
Panalo rin sina Mika Salamanca at Brent Manalo sa Music Video of the Year para sa What If Tayo?
Kinilala rin si Brent bilang Fashion Influencer Face of the Year, habang si Ralph De Leon ay pinarangalan bilang New Male TV Personality.
Samantala, wagi rin ng Pipol Face of the Year ang ilang Kapamilya stars, kabilang sina Kai Montinola (Third Place - Female Teen), Rain (Second Place - Female Teen), Anji Salvacion (Second Place - Female Adult), at Raikko Mateo (Third Place - Male Teen).
Ang VPCA ng Village Pipol ay nagbibigay-parangal sa mga natatanging personalidad, programa, at pelikula sa bansa.




Comments