Single mom na 3 beses nagmahal at nabigo, dapat ayusin ang pirma
- BULGAR
- Jun 24, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 24, 2021
Dear Maestro,
Bakit palagi akong bigo sa pag-ibig at pakikipagrelasyon? Tatlong beses na akong nagmahal, ngunit tatlong beses na rin akong nabigo at lumuha. Sa ngayon, isa akong single mom dahil naghiwalay kami nu’ng huling live-in partner ko at sumama siya sa ibang babae.
Sa ganitong kalagayan ng aking buhay, sa iyong palagay, Maestro, may pag-asa pa ba akong lumigaya at makasumpong ng simple pero masayang pamilya? January 13, 1984 ang birthday ko.
Umaasa,
Annie ng Tabang, Guiguinto, Bulacan
Dear Annie,
Kaya palagi kang bigo sa pag-ibig ay dahil magulo at nababoy ang iyong lagda. Pagsikapan mong makalikha ng simpleng “A” sa unahang bahagi ng iyong lagda, na wala nang malaking bilog pa sa tuktok.
Habang kapag tinapos mo naman ang iyong apilido sa iyong pirma, hindi mo na dapat pang ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “n”. Sa halip, tuluy-tuloy mong tapusin ang pirma sa direksiyong kanan nang hindi na ibinabalik pa sa kaliwa ang pinakapaa ng letrang “a”. Sa ganyang pirma, ‘pag walang bilog ang tuktok ng letrang “A” at hindi na rin burara ang nasabing lagda, tulad ng naipaliwanag na, hindi pa huli ang lahat dahil sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makasusumpong ka na ng isang wagas at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.
Habang, ayon naman sa birth date mong 13 o 4 (naging 4 ang 13 dahil ang 13 ay 1+3=4), ito ay nagsasabing kung tatlong beses ka nang nabibigo sa pag-ibig at pakikipagrelasyong iyong napasukan, malaki ang pag-asa na sa ikaapat na pakikipagrelasyon, papalarin at susuwertehin ka. Nangyari dahil ang numerong 4 ang magiging significant o mahalagang pangyayari sa iyong buhay, kaya malaki ang posibilidad na sa ikaapat na pag-ibig, maaaring makasumpong ka na ng isang panghabambuhay at maligayang pamilya.
Mas madaling mangyayari ang pag-aanalisang nabanggit kung sa susunod na pakikipagrelasyon ay hahanap ka ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo, Taurus, Cancer o kapwa mo Capricorn, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29. Sa piling ng nasabing lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda mong matagpuan ang nasabing ikaapat at panghabambuhay na pag-ibig sa taong 2022, sa edad mong 38 pataas, na hatid ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Virgo.



Comments