Sindikato na nasa likod ng karumal-dumal na pananakot sa mga nangutang online, i-report agad
- BULGAR
- Jun 26, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 26, 2023
Simula nang inanunsiyo ang pagpapalawig ng subscriber identity module (SIM) sa loob ng dalawang buwan o hanggang Hulyo 25 ng taong kasalukuyan ay nagdoble hataw din ang mga online criminals dahil sa paghahabol sa deadline.
Nitong mga nakaraang araw ay ilang indibidwal ang nasakote ng pulisya na nagbebenta ng mga SIM card na rehistrado na sa kung kani-kaninong pagkakakilanlan na pinaniniwalang magiging problemang panghinaharap din.
Naniniwala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na maraming indibidwal ang nakapagpalusot sa isinagawang online registration na inaasahang aatake kahit rehistrado na lahat ang SIM sa bansa.
Ayon sa PNP-ACG, matagal na nilang panawagan na kung maaari ay personal ang isasagawang SIM registration tulad ng sa pagkuha ng Philippine Identification System ID (PhilSys ID), na mas kilala sa tawag na Philippine Identification Card.
Malaking bagay umano ang isinagawang SIM registration ngunit hindi umano perpekto tulad ng dapat asahan dahil tiyak na may mga nakagawa umanong magpalusot sa registration gamit ang mga pekeng detalye at dokumento online.
Maganda kasi ang layunin ng SIM registration na pairalin ang responsableng paggamit ng SIM at mahinto na ang pang-aabuso ng mga scammers at hindi nito layuning parusahan ang mga lehitimong gumagamit ng SIM, lalo na ‘yung mga nasa remote areas.
Marahil, mas magiging epektibo ito para sa mga kababayan nating bibili pa lamang ng bagong SIM dahil kailangan na muna nilang magparehistro bago i-activate ang bagong bili nilang SIM.
Ngayon heto ang epekto ng isinagawang extension, hindi bababa sa 50 pang kliyente ng online lending firms ang naghain ng reklamo sa PNP-ACG dahil sa grabeng pangha-harass at pamamahiya umano sa kanila ng kanilang agents.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay isang ginang na dahil sa labis na pangangailangan sa pera ay pikit-matang nangutang online sa kabila ng napakataas na tubo na araw-araw pumapatak hangga’t hindi nababayaran ang utang.
Ang resulta ay tumanggap ito ng grabeng pananakot na dumating pa sa puntong pinadalhan siya ng bulaklak ng patay ngunit ang natukoy lamang ng pulisya ay ang pinagbilhan ng bulaklak ng patay ngunit hindi ang mismong sindikato na nasa likod ng karumal-dumal na pananakot na ito.
May isang biktima naman na kinailangan pa nilang lumipat ng ibang lugar matapos na bisitahin sila sa kanilang tirahan ng staff ng isang funeral homes at may kukunin umanong bangkay.
Ang funeral service na isang L300 van ay may dalang kabaong para umano sa bangkay na nalaman lamang ng biktima na pangalan pala niya at siya ang sinasabing bangkay.
Natutukoy ang mga puneraryang ginagamit sa pananakot ngunit hindi natutukoy kung sino ang mga sindikatong nasa likod ng mga pananakot na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa kanilang operasyon at lantaran na nag-aalok ng pautang na pumupusturang isang lehitimo at disenteng online lending firms.
Nakatala sa PNP-ACG na isang biktima pa ang nangutang ng P60,000 sa isang online lending firm na nang maantala ang kanyang pagbabayad ay ikinalat umano ng lending company na isa siyang drug lord.
Ganito rin ang karanasan ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Singapore na napilitang mag-resign dahil walang pahinga at halinhinan umano ang tumatawag sa amo ng biktima na ginugulo at hindi umano titigil hangg’t hindi nakakapagbayad ng utang.
Batay sa imbestigasyon ng PNP-ACG, konektado umano ang operators ng online lending applications, at ang ilang financiers ay Chinese nationals na nagpapatakbo ng ilang ilegal na negosyo sa labas ng Pilipinas.
‘Yung mga nahuhuli umanong Pinoy sa bansa ay parang mga supervisors lang sila o mga caretaker na silang nagpapatakbo ng negosyo dito ngunit hindi sila ang tunay na boss.
Mula sa dating 168 milyong SIM ay umabot na sa mahigit 100 milyon ang mga nairehistro sa bansa hanggang nitong nagdaang Hunyo 20 at 59.55% lamang ito ng 168,016,400 na aktibo pa ring SIM sa bansa na inaasahang magpaparehistro na rin hanggang Hulyo 25.
Inihayag ng PNP na maaaring kasuhan ang mga nangha-harass ng libel, grave threat, at coercion kaugnay ng Anti-Cybercrime Law — ‘yan ay kung matutukoy kung sino ang salarin.
Marahil, panahon na para magbigay ng insentibo ang pamahalaan kung sino ang makapagtuturo sa mga nasa likod ng online lending firm na ito na karaniwan ay nagpapanggap na lehitimong call center company.
Nasa paligid lang ‘yan, at kaya walang nagtuturo dahil mas kumikita ang mga nakakaalam sa kamay ng mga cybercriminals na ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments