Sinasakyang jeep, inanod… 8 pasahero, patay sa flash flood
- BULGAR
- Dec 11, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | December 11, 2022

Walong pasahero ng isang jeep ang nasawi, kabilang ang isang 5-anyos na bata, matapos silang tangayin ng rumaragasang baha sa Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal nitong Sabado ng gabi, ayon sa Tanay Municipal Police Station (MPS).
Kinilala ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang mga biktima, na pitong senior citizens at isang menor-de edad, na sina Teresita Quinto, Maylard Keith Fernandez, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera at Teodora Buera.
Ayon sa pulisya, hinahanap pa nila ngayon ang driver ng jeep na si Jun Pio Domayik Jr., kung saan hindi na nila nakita sa pinangyarihan ng insidente.
Natukoy naman ng mga awtoridad ang asawa ng jeepney driver na sugatan din at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Sinabi ni Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr. na nagmula ang jeep sa town proper at may sakay itong 25 pasahero nang maganap ang aksidente bandang alas-8:15 ng gabi.
Batay sa report, patawid na sa isa sa 15 ilog sa Tanay ang nasabing jeep nang magka-aberya ito hanggang sa hinampas sila ng rumaragasang tubig sa ilog.
“According sa isa sa mga witnesses natin… na-balahaw daw ‘yung kanilang sasakyan doon sa huling ilog na dapat sana, isang ilog na lang na malapit sa kanilang barangay.
Ang problema, nabalahaw sila. Nagpa-batak sila sa isang kapwa jeep but then ang nangyari, may biglang flash flood na dumating so itong binabatak sana ay tumagilid at ‘yun ang dahilan, matangay o magka-injury ang mga tao,” saad ni Matienzo sa isang radio interview.
“As of now po, nandoon pa rin sa covered court ng Barangay Sta. Ines, Tanay, Rizal ‘yung mga na-recover na bangkay,” dagdag ni Matienzo.
Ayon pa kay Matienzo, bago naganap ang aksidente, nagtungo sa bayan ang mga biktima para humingi umano ng financial assistance mula sa gobyerno.





Comments