Sinasadya at paulit-ulit na 'di pagsustento sa anak, tuluyan
@Editorial | November 9, 2022
Isinusulong ang panukalang kulong sa magulang na mapatutunayang sinasadya at paulit-ulit na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang anak.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 4807, maaaring makulong ang magulang nang dalawa hanggang apat na taon kung mapatutunayang paulit-ulit itong hindi nagbibigay ng financial support sa anak.
Puwede namang mailagay sa probation ang magulang na first-time offender.
Napag-alamang karamihan sa mga pabayang magulang ay mga lalaki.
Base rin sa isang pag-aaral kamakailan ng World Health Organization (WHO), nasa 15 milyong Pilipino, karamiha'y babae, ang solo parent.
Kaya maraming ina na talagang kayod-kalabaw para buhayin ang anak o pamilya. Habang ang asawa, buhay-binata.
Sa nasabing panukala, puwede umanong itakda ang halaga ng child support sa pamamagitan ng pag-divide sa monthly net income ng parehong magulang.
Maaari ring bawalan na mabigyan ng passport o masuspinde ang lisensya ng mga pabayang magulang.
Kapag wala namang trabaho ang magulang na kailangang magbigay ng child support, puwede umano silang lumahok sa ilang programa ng gobyerno para matupad ang kanilang obligasyon.
Panahon na para maturuan ng leksyon ang mga pabayang magulang, tatay man o nanay.
Sa huli, mas kawawa pa rin ang anak. Kung hindi sila kayang protektahan at alagaan ng sariling magulang, ang batas ang reresbak para sa kanila.



Comments