Simula ngayong Linggo ng Palaspas, pagnilayan kung sino ang 'di dapat iboto
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 10, 2022
Ilang Mahal na Araw na ang naranasan ko sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang panahon. Ano kaya ang kaibahan ng Mahal na Araw ng taong ito na magsisimula sa araw na ito ng Linggo ng Palaspas?
Hindi magiging ordinaryo ang Mahal na Araw na ito dahil sa loob ng mahigit kumulang tatlong linggo ay magaganap na ang halalang lubhang mahalaga at hindi ordinaryo. Ang halalang ito ay napakahalaga dahil sa kinabukasang nanganganib na maging madilim o maliwanag.
Natutulad ang kasalukuyang Mahal na Araw sa kuwento ng unang mga Mahal na Araw, na nasaksihan ng marami ang mga kaganapan sa anak ng Diyos at sa naging katugunan ng bayang pinili at minahal ng Diyos. Ganon din ang magaganap sa mga darating na mga araw at linggo hanggang sa pambansang halalan ng ika-9 ng Mayo 2022.
Maalala natin noong unang Mahal na Araw nang iharap kay Pilato si Hesus na kasama nito ang isang kriminal na nagngangalang Barabas. Maingay ang mga Hudyo at sinisigaw ng mga ito, “ipako, ipako si Kristo sa Krus!” Makikitang nakatingin at nakikinig sa madla si Pilato at ito ay pailing-iling sa nangyayari sa harap niya. Kilala na si Pilato bilang pulitiko, na mahusay tumimbang kung ano ang desisyong pabor o hindi pabor sa interes ng Imperyo Romano maging sa kanyang pansariling interes. Napapailing si Pilato dahil hindi niya kilala si Kristo at nagtataka ito kung bakit isinisigaw ng marami na ito ay ipako sa Krus. At alam na natin ang mga nangyari. Sinabi din naman ni Pilato sa maingay na taumbayan, “wala akong nakikitang ginawang masama ng taong ito, bakit ko ito ipapa-pako.” At lalong lumakas ang sigaw, “ipako sa krus”. Pagtagal-tagal naghanap ng paraan si Pilato upang makaligtas sa masalimuot na sitwasyon. Itatanong na lang nito, kung sino ang nais palayain ng mga tao, ang kriminal na si Barabas o si Hesus. At mabilis sumagot ang mga Hudyo, “pakawalan si Barabas at ipako si Kristo sa krus.”
Pinili ng mga tao ang magnanakaw at matinding ipinilit nilang ipapako si Kristo kay Pilato. Maaalala natin ang larawan ni Pilatong naghuhugas ng kanyang mga kamay habang sinasabing, “wala akong makitang masama sa taong ito, ngunit kung nais ninyong ipapako siya sa krus, huhugasan ko ang aking mga kamay upang mawala ang aking pananagutan sa nais ninyong mangyari sa inosenteng taong ito.”
Nalalapit na ang eleksyon, naroroon ang COMELEC na mistulang Pilato. Naroroon ang mga kandidatong tumatakbo sa pagka-pangulo. Isa sa mga ito ay kilalang galing sa angkan ng mga magnanakaw at ang numero unong katunggali nito ay maganda at malinis ang pinagmulan. Sumisigaw ang marami ngunit hindi “ipako sa krus.” Hindi rin pagpipilian ang dalawang tao kundi ang isang tao at ang kinabukasan ng isang buong bansa. Nakatatakot na baka hindi lumiwanag ang mga mata ng pipili at isakripisyo na lang ng mga ito ang kinabukasan ng bansa sa pagpili ng taumbayan sa kandidatong may maruming nakaraan.
Ganon kahalaga ang mga Mahal na Araw ng taong ito. Simula ngayong Linggo ng Palaspas, kailangan natin ang puspusang pagninilay, pag-aaral, pagsusuri at pag-aaninag upang makita natin kung sinong kandidato ang hindi natin dapat iboto dahil ipapahamak nito ang kinabukasan nating lahat. Ito na nga ang sinabi ni Bishop Teodoro Bacani noong isang araw, “mahirap para sa aming mga Obispo na mag-endorso ng kandidato ngunit obligasyon naming sabihin kung sino ang hindi dapat iboto. At napakalinaw kung sino ang hindi dapat iboto dahil sa mga nagawa at hindi nagawa nito.”
Hindi ko na papangalanan ang kandidatong binanggit ni Bishop Bacani. Alamin na lang po natin kung sino ito.
Sa Mahal na Araw ng taong ito, hindi isa o dalawang tao ang nasasakdal. Hindi ang boto para sa sinumang kandidato ang dapat pangalagaan at ingatan ng Comelec at lalo na ng buong sambayanang Pilipinas. Ang nakasalang at nasasakdal ay ang KINABUKASAN nating lahat. Namamalayan ba natin na sinumang piliin at iboto nating kandidato ay may malaking kinalaman sa ating kinabukasan?
Ganoon kahalaga ang Mahal na Araw na ito. Nawa’y matulungan tayo ng taimtim na panalangin, pag-aayuno at sakripisyo upang ating makita ang trahedya ng pagpili at pag-aabsuwelto sa mga kandidatong magnanakaw tulad ni Barabas.





Comments