SIM registration palpak naman, inabala na ang taumbayan, text scam tuloy pa rin
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 15, 2023
KAPAG KINATIGAN NG COURT OF APPEALS ANG HIRIT NG OSG, BAKA TULUYAN NANG MABULOK SI DE LIMA SA SELDA -- Kinuwestiyon ni Solicitor General (SolGen) Menardo Guevarra sa Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court-Branch 204 na pag-absuwelto kay dating Sen. Leila De Lima kaugnay sa isa sa mga kasong illegal drugs na kinasasangkutan nito.
Ang hakbang na ito ni Guevarra ay para harangin ang nalalapit na paglaya ni De Lima.
At kapag kinatigan ng CA ang hirit ni Guevarra ay indikasyon ‘yan na talagang mabubulok na sa selda si De Lima, boom!
◘◘◘
SABI NG MGA SEN. AT CONG., KAPAG BATAS NA RAW ANG SIM CARD REGISTRATION WALA NANG TEXT SCAM, PERO MERON PA PALA -- Inamin ng Dept. of Information and Communications Technology (DICT) na kahit may SIM Card Registration Act na ay tuloy pa rin ang text scam ng mga mangraraket sa ‘Pinas.
Hay naku, ang sabi ng mga senador at kongresistang nagpasa ng batas na ito ay matitigil na raw ang text scam sa ‘Pinas kapag naisabatas na ito, ‘yun pala ay hindi pa rin. Ang nakakabuwisit, inabala lang ang mamamayan sa pagpaparehistro ng SIM, tapos palpak pala ang batas na ito, tsk!
◘◘◘
KUNG TOTOONG MAGTATALAGA NA SI P-BBM NG DA SEC., TAMANG DESISYON ‘YAN PARA KAPAG TUMAAS ANG PRESYO NG BILIHIN ‘DI NA PRESIDENTE ANG MASISISI KUNDI ANG DA SEC NA -- May usap-usapan sa Malacañang na si National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan ang napipisil ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na maging permanenteng Dept. of Agriculture (DA) secretary.
Sakaling totoo ‘yan, tama ang desisyon ni P-BBM na ipaubaya na sa iba ang pamamahala sa DA, para nga naman kapag hindi napigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkain ay hindi na ang presidente ang masisisi, kundi ang DA sec. na, period!
◘◘◘
KUNG TOTOONG MAKAPANGYARIHAN SI PASTOR QUIBOLOY, MAPA-STOP KAYA NIYA ANG KASONG ISINAMPA NI ATOM ARAULLO SA 2 NIYANG ALAGAD? -- Nagsampa si journalist Atom Araullo ng P2 million civil complaint for damages laban sa dalawang alagad ni Pastor Apollo Quiboloy sa SMNI network na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celis.
Tingnan natin kung totoong may kapangyarihan si Pastor Quiboloy, kung kaya niyang ipa-stop ang kasong isinampa ni Atom laban sa dalawa niyang alagad, abangan!





Comments