SIM registration extended, batas may chance din para mas i-explain
@Editorial | April 26, 2023
Pinalawig nang 90 araw ang panahon ng pagpaparehistro ng mga SIM.
Ito ang inanunsiyo kahapon nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Undersecretary Raul Vasquez.
Ngayong araw sana ang deadline ng unang itinakdang 120-araw na registration period.
Gayunman, nitong Lunes, naka-meeting ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga telecommunication company, na humiling na mapalawig ang deadline dahil sa mababang turnout ng mga nagparehistro.
Sa datos nitong nagdaang weekend, halos 60% pa lang ng active SIM ang rehistrado.
Sa ilalim ng SIM Registration Act, ang mga SIM na hindi mairerehistro ay made-deactivate.
Kasabay ng extension, umaasa tayo na pagkakataon din ito para mas maipaliwanag ang batas sa publiko, lalo na sa mga nangangamba na baka hindi makabuti ang SIM registration.
Kung may butas man sa nasabing batas, sapat na siguro ang tatlong buwan para muli itong pag-aralan. Pakinggan din sana ang opinyon ng publiko.
Ito ang isa sa mga problema sa mga panukalang-batas na tila hindi nailatag nang maayos at malinaw. Kaya rin siguro mababa ang bilang ng mga nagpaparehistro ay dahil hindi nila nauunawaan ang batas. Habang may mga ayaw talagang magpa-register dahil alam nila na ang batas ay sablay at maaaring maglagay sa alanganin.



Comments