Sim card registration tablado kay P-Du30, mga trolls, happy
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 18, 2022
SABLAY ANG HASHTAG 'NASAAN ANG BISE PRESIDENTE' – Sablay ang hashtag "Nasaan ang bise presidente" na ipinakalat sa social media ng mga DDS (Duterte Diehard Supporters) at Marcos bloggers na hinahanap nila si Vice Pres. Leni Robredo dahil hindi raw ito rumesponde para saklolohan ang mga taga-Visayas na naging biktima ng Bagyong Agaton.
Sablay talaga kasi ang dapat na hashtag nila sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Agaton ay "Nasaan ang Presidente" at hindi ang "Nasaan ang Bise Presidente" kasi si P-Duterte ang presidente ng bansa, siya ang may kontrol ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan, nasa kanyang kontrol din ang kaban ng bayan na puwedeng ipantulong sa mga biktima ng bagyo, period!
◘◘◘
PANGAKONG PABAHAY NI P-DUTERTE SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG AGATON HUWAG NANG ASAHAN – Pinangakuan ni P-Duterte ng pabahay ang mga taga-Leyte na nawalan ng tahanan dulot ng pananalasa ng Bagyong Agaton.
Hay naku, huwag nang umasa ang nga taga-Leyte na matupad ang pangakong pabahay sa kanila ni P-Duterte kasi malapit na itong bumaba sa Malacañang.
Eh 'yun ngang pangakong pabahay ni P-Duterte sa mga naging biktima ng Taal volcano eruption ay hindi nagkaroon ng katuparan gayong matagal na ang pangakong 'yun, kasi January 2020 ipinangako 'yun ng Presidente, 'yan pa kayang pangakong pabahay ang magkaroon ng katuparan, eh, pababa na nga siya sa puwesto sa June 30, 2022? Boom!
◘◘◘
MGA TROLLS HAPPY SA PAG-REJECT NI P-DUTERTE SA 'SIM CARD REGISTRATION' – Ni-reject o vineto ni P-Duterte ang SIM card registration bill na kung inaprubahan ito ng Presidente ay malaking bagay sana upang hindi na makagawa at makapagpakalat ng fake news ang mga trolls.
Dahil sa pagbasurang ito ni P-Duterte sa SIM card registration, naglulundag sa tuwa ang mga trolls!
◘◘◘
SA PANAHON NI P-DUTERTE NAUSO MGA TROLLS – Sa panahon ni P-Duterte bilang presidente ng bansa nauso at dumami ang trolls sa social media.
Siguro, ayaw ni P-Duterte na mawalan ng hanapbuhay ang mga trolls na ang trabaho ay magpakalat ng fake news sa social media kaya't ni-reject niya ang napakaimportanteng panukalang batas na ito?





Comments