"Silent Assassin" Fajardo target ang world title vs. Yabuki

by Gerard Arce @Sports News | November 19, 2026

Photo: Miel Fajardo at Masamichi Yabuki / Circulated file
Higit na pinatitibay ang paghahanda sa darating na world title fight ang pinagtuunan ng pansin ni Pinoy knockout puncher at International Boxing Federation (IBF) flyweight top rated contender Miel “Silent Assassin” Fajardo kontra sa nagtatanggol na kampeon na si Masamichi Yabuki sa 12-round title fight sa susunod na linggo, Nobyembre 26 sa Ebara Wave Arena sa Ota-Ku, Tokyo, Japan.
Aminadong magiging mabigat ang pagsubok na susuungin ng 26-anyos na tubong San Francisco, Agusan del Sur kontra sa kilalang knockout specialist na Hapon na tatlong beses na matagumpay na nadepensahan ang korona kontra kina Angel Ayala Lardizabal ng Mexico, Felix Alvarado ng Nicaragua at Mexican Rene Calixto nito lamang Hunyo 6 na nagtapos sa dominanteng 12-round unanimous decision sa Tokoname, Japan.
“Ang plano ko po ay gagawin 'yung pinaghandaan at pinag-ensayuhan namin kase lagi naming pinapanood 'yung laban niya, magaling siya sa counter kaya 'yung focus namin mas maging matibay, patibayan lang talaga, kaya kung matamaan man, kakayanin ko 'yung suntok niya dahil alam kong magaling siya sa counter punching,” pahayag ni Fajardo.
Hindi sa lahat ng laban ng 34-anyos na Japanese ay perpekto ang laban nito, dahil sa apat na talo nito ay kaakibat ding 2 talo mula sa knockouts galing sa dating world champion Kenshiro Teraji at dating world title contender Seigo Yuri Akui.





Comments