Signal ng internet ng ikatlong telco, palpak pa rin!

ni Ka Ambo - @Bistado | January 16, 2021
May bago pa lang kahulugan ang kontrobersiyal na acronym na BTS.
Hindi pala ang K-pop group ng South Korea ang pinatutungkulan nito kundi ang bagong grupo ng mga kongresista sa Kamara.
He-he-he!
◘◘◘
Binigyan ng bagong kahulugan ang BTS bilang “Be There Soon” o “Behind The Scene”.
Bagong pakulo ini!
◘◘◘
Idinidikit ito ngayon sa grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na nagbigay din ng bagong kahulugan sa BTS.
Katumbas umano ng BTS ay Balik sa Tamang Serbisyo o dili kaya ay Bayanihan, Tapang at Serbisyo na naglaho na sa mga kongresista!
◘◘◘
Sinabi ni Cayetano, nang siya pa ang speaker noon, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE.
Ngayon, ito ay naging House of Politics imbes na pagtuunan ang paglaban sa pandemic!
◘◘◘
Sa totoo lang, dapat nang ipokus ng Kamara ang puwersa kontra sa krisis na dulot ng pandemic.
Hindi na mapigil ang pagtaas sa presyo ng bilihin at singil sa konsumo ng elektrisidad at tubig.
Kaawa-awa naman ang mga Pinoy, panay pulitika na ang inaatupad ng mga kolokoy!
◘◘◘
Kailangan pa ring masaklolohan ang biktima ng mga kalamidad tulad sa pagputok ng bulking Taal at serye ng mga bagyo na tumama noong nakaraang taon.
Dapat din mapigil ang amyenda na itaas ang singil sa mga obrero ng PhilHealth.
Bagaman iniutos na ni P-Digong, dapat pa rin ay magpatupad ng bagong batas hinggil dito!
◘◘◘
Mabagal na rin ang signal sa internet kahit mayroon nang ikatlong telco.
Kaawa-awa ang mga estudyante at titser na may online class!
◘◘◘
Isipin mong sandamakmak na ang problema ng bansa ay biglang kinalantari pa ang Cha-Cha na isang malinaw na pag-aksaya ng panahon ang mga debate hinggil dito.
Pambihira din naman ang liderato ng Kamara, napakalayo ng mga prayoridad sa tunay na pangangailangan ng bayan!
◘◘◘
Gustong baguhin ng kilusang BTS ang masamang kalakaran sa Kamara.
Umaasa ang pitong lider ng BTS na makikisimpatiya sa kanilang agenda ang mayorya ng mga kongresista!
◘◘◘
Maging ang “ARMY” ng BTS umano ang iba pang kongresista kasama ang mga Pinoy na sawang-sawang na sa pamumulitika sa Kongreso.
Nakababahala rin ang gumagrabeng kriminalidad kung saan pinatay ng isang pulis ang mag-inang nakaaway sa Tarlac!
◘◘◘
Ere ang tanong: Magtagumpay kaya ang “BTS” sa Kamara?
Sino o anong grupo naman kaya ang kanilang makakakumpitensiya sa Kamara?
Si Cardo Dalisay at ang Task Force Agila ba o si Darna?





Comments