Sign na magkakaroon ng masaganang ani at makakaahon sa hirap na dala ng pandemya
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 01, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ronald ng Aklan.
Dear Maestra,
Isa ako sa mga masugid n’yong tagasubaybay. Magsasaka ako rito sa aming lugar at ngayon ay tumigil muna ako sa pagsasaka dahil sa pandemya. Nag-iipon pa naman ako sa kasalukuyan para sa binabalak kong pagpapakasal sa aking kasintahan, pero wala akong magagawa kundi umistambay muna sa bahay at magbasa na lamang ng inyong column.
Madalas akong managinip, pero hindi ko alam ang ipinahihiwatig, kaya naisip kong sumangguni sa inyo tungkol sa panaginip ko.
Napanaginipan kong nasa isang bodega ako. Malaki at maraming laman na iba’t ibang bagay ang bodega, tapos nakatingin lang ako at nagmamasid sa paligid.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Ronald
Sa iyo Ronald,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo. Kung ikaw ay may balak magnegosyo, maipapayo ko na ituloy mo ito. Nagbabadya ang panaginip mo na magtatagumpay ka at kikita nang malaki. Gayundin, ito ay nagpapahiwatig na ang binabalak mong pagpapakasal sa kasintahan mo ay matutuloy na rin.
Hindi lang ‘yan, yayaman at susuwertehin din ang babaeng iyong pakakasalan dahil may mamanahin siyang ari-arian mula sa kanyang mga magulang.
Nasabi mo na ikaw ay magsasaka. Puwede mo nang tamnan ng kahit anong halaman ang sakahan mo dahil ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na aani ka ng sagana at tuluyan nang makakaahon sa krisis na hatid ng pandemya.
Ang mga pagpapala at biyaya ng Dakilang Lumikha ay makakamit mo na rin nang lubusan. Ito ay siksik, liglig at umaapaw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments