Sigaw ni Atty. Topacio, DOJ, unfair! ATONG AT GRETCHEN, ‘DI PA NAIIMBESTIGAHAN, GUILTY AGAD SA MISSING SABUNGEROS
- BULGAR
- 2 days ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 10, 2025
Photo: Atty. Topacio via Bulgar
Hindi lang pala pagiging lawyer at movie producer ng Borracho Films ang nagpapa-busy kay Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio, siya rin kasi ang National Chairman ng Citizens Crime Watch.
Kai-interview lang namin kay Atty. Ferdie last Wednesday nang humarap sila ng bago niyang client, ang controversial ngayong businesswoman na si Ms. Beverly Labadlabad, dahil sa nakatakda nitong pagsasampa ng kaso laban sa kanyang talent na singer-content creator na si Elias J. TV dahil sa breach of contract at diumano’y estafa, then kahapon ay nagkita na naman kami ng most in demand celebrity lawyer sa Kamuning Bakery Pandesal Forum ni Wilson Flores.
Kasama ni Atty. Ferdie ang mga kapwa niya Anti-Corruption advocates na sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Rep. Isidro Ungab, Atty. Jimmy Bondoc, Retired General Virgilio Garcia at Mr. Jigs Magpantay upang pag-usapan ang tungkol sa pork barrel, flood control, 2026 budget at iba pang current issues.
Of course, knowing Atty. Ferdie na napakataba… ng utak (hehe!) sa iba’t ibang isyu ng bayan, wala nang kuwestiyon sa mga makabuluhan niyang opinyon, na sinabayan din ng dating singer at ngayon ay abogado na palang si Jimmy Bondoc.
Pero mas gusto naming bigyang-pansin ang opinyon ni Atty. Ferdie sa isyu ng missing sabungeros dahil siyempre, sina Ms. Gretchen Barretto at Atong Ang ang involved at inaakusahan dito, ‘di ba?
Tinanong namin ang celebrity lawyer kung ano sa tingin niya ang kapupuntahan ng isyung ito.
“Eh, pattern na naman ng DOJ ‘yan. ‘Yan ang sinasabi ko, kasi wala pa namang totoong imbestigasyon, hindi pa nga nakakakuha ng DNA, etc., etc., eh, guilty na, eh!
“Hindi ganu’n. Ganito ‘yung ginawa nila noon kay Cong. Teves at saka sa ibang mga kalaban sa pulitika.”
Dagdag-paglilinaw pa niya, “Ang akin, wala akong kaugnayan kay Atong Ang. I’ve met him in a few instances, pero hindi ko siya kaibigan, hindi ko siya naging kliyente, pero it’s unfair what they’re doing to him na ni hindi pa nga nag-umpisa ang imbestigasyon, kailan lang naman nagkaroon ng sworn statement ‘yung witness, bakit nag-umpisa na sila agad on the mere say so of a person, of a dubious origin?
Tama lang daw ang ginagawang pananahimik ni Gretchen sa issue dahil wala pa namang nangyayaring imbestigasyon.
Dagdag pang opinyon ni Atty. Ferdie, “This is not good investigative protocol.”
Samantala, nilinaw ni Atty. Topacio mula sa isang source na close sa kanya na hindi totoo ang kumakalat sa socmed na nag-withdraw na siya bilang lawyer ni Ms. Beverly Labadlabad. Fake news daw ito at gusto lang ikondisyon ang isip ng mga tao.
Bida noon, ginawang support na lang…
JOSHUA, NAISIP NA LAYASAN ANG SHOWBIZ
DUMATING pala si Joshua Garcia sa point na na-confuse siya at inisip kung itutuloy pa ba ang kanyang showbiz career o babalik na lang sa Batangas at mamumuhay nang normal.
Inamin ito ng magaling na young actor sa nakaraang mediacon para sa It’s Okay To Not Be Okay series nila nina Anne Curtis at Carlo Aquino.
Asked kasi namin si Joshua kung ano’ng biggest challenge sa career niya na nasabi niya ang title ng kanilang series.
Pag-amin nga ni Joshua, “Well, before, actually, meron akong parang… Kasi bilang isang artista, kailangan mong pumili ng larangan kung saan mo gustong mag-excel o mas makilala ka. Nu’ng time na ‘yun, ‘yun ‘yung challenge sa akin, kung ano ‘yung pipiliin ko na larangan — acting ba or gusto kong sumayaw na lang or kumanta — and at that time, napagdesisyunan kong umakting.
Kaya ako dumating sa ganu’ng decision making, kasi dumating ‘yung time na nawalan ako ng work, natatanggal ako. Nu’ng umpisa, bida ako tapos biglang naging third wheel ako, tapos bilang natatanggal na ako. So kailangan kong pumili kasi eto na ‘yan, eh.Ito raw ang kino-consider niyang biggest challenge at nag-iba ang buhay niya sa naging desisyon niya, dahil mas pinili niyang mag-stay.
Kaya tingnan n’yo naman, isa na siya sa mga kinikilalang magagaling na young actors ngayon na sinasabi pa ngang puwedeng sumunod sa yapak ni John Lloyd Cruz.
And of course, after Jodi Sta. Maria na naging leading lady na niya sa isang serye, big project ding itinuturing ni Joshua na makapareha si Anne Curtis sa It’s Okay To Not Be Okay, kung saan aniya, marami siyang natututunan sa aktres, gayundin sa mga veteran stars na kasama niya sa serye tulad nina Maricel Laxa, Agot Isidro, Michael de Mesa at Anna Abad-Santos.
Kasama rin sa IOTNBO sina Enchong Dee, Kaori Oinuma, Francis Magundayao, Xyriel Manabat, Meryll Soriano, Geoff Eigenmann, Noel Comia, Jr., Bianca de Vera, Alora Sasam at marami pang iba.
Mula sa direksiyon ni Direk Mae Cruz Alviar, the series is based on the 2020 South Korean TV drama na may parehong title. Nagsimula itong umere nu’ng July 21 kapalit ng Incognito.
Marami pa raw exciting scenes na dapat abangan, kaya sabi ni Joshua, tutok lang sa serye at sabayan sila sa panonood.