Sibakin ang mga retired general palitan ng health experts, plis lang!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 21, 2021
DEDMA NA SA COVID-19 ANG LGUs, TODO-POKUS KASI SA TEAM DUTERTE?—Ibinida sa publiko ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na halos lahat ng LGUs (local government units) sa bansa ay nagpahayag ng suporta sa Team Duterte ngayong 2022 election.
Kaya naman pala dumarami na naman ang mga tinatamaan ng virus sa iba’t ibang lugar sa bansa kasi tila dinededma na ng mga mayor at gobernor ang COVID-19 at ang pokus na ay pangangampanya sa “Run Sara Run”, “Pres. Duterte for Vice-President” at “Duterte-Duterte 2022”, mga buwisit!
◘◘◘
KAPAG NAG-LOCKDOWN NANG WALANG AYUDA, MATINDING GUTOM ANG AABUTIN NG MAMAMAYAN—Hangga’t maaari ay ayaw ng Duterte gov’t. na magpairal ng lockdown o Enhanced Community Quarantine kasi wala na raw pang-ayuda ang pamahalaan dahil bagsak na ang ekonomiya, kaya lang ang problema sa ngayon, parami nang parami ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Nakupo, kapag hindi nakontrol ng pamahalaan ang pagdami ng kaso ng COVID at naobliga itong magpairal ng ECQ, tiyak mas matinding gutom ang aabutin ng mamamayan, susmaryosep!
◘◘◘
SIBAKIN ANG RETIRED GENERALS SA IATF, PALITAN NG HEALTH EXPERTS—Ang pagdami na naman ng tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay pagpapatunay na palpak ang mga retired generals na itinalaga ni P-Duterte sa IATF (Inter-Agency Task Force) para tumugon sa mga problemang dulot ng COVID-19 sa bansa.
Sa isyung ‘yan, dapat nang sibakin ni P-Duterte ang retired generals sa IATF at palitan ng health experts, at baka sakali’y makaalis na ang mga Pinoy sa pananasala ng COVID-19 sa Pilipinas, period!
◘◘◘
MAS NANINIWALA ANG MGA NETIZENS KAY MON TULFO KAYSA KAY GEN. SINAS—Pinabulaanan ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang ibinulgar ni veteran journalist Ramon Tulfo na kabilang siya sa nabakunahan ng smuggled vaccine noong Nobyembre 2020.
Kaya lang sa social media, mas naniniwala ang mga netizens na nagsasabi ng totoo si Tulfo at nagsisinungaling si Sinas, boom!





Comments