Sibakan sa Port of Subic at raid sa warehouse ng mga sugar cartel, pabida lang
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 5, 2022
HINDI NA SANA IBINIDA NI PRESS SEC. ANGELES NA SINIBAK ANG ANIM NA OPISYAL NG PORT OF SUBIC KUNG IBABALIK LANG PALA SILA NI COMM. RUIZ SA PUWESTO—Wala pang dalawang linggo matapos ibida ng Malacañang noong Aug. 22, 2022 na sinibak dahil sa isyu ng sugar smuggling ang anim na opisyal ng Port of Subic na sina District Collector Maritess Martin, Assessment Division chief Belinda Lim, Deputy Collector for Assessment Maita Acevedo, Deputy Collector for Operations Giovanni Leynes, Enforcement Security Service Commander Vincent Mark Malasmas at Customs Intelligence and Investigation Supervisor Justice Roman Geli, ay ibinalik din sila ni Customs Commissioner Yogi Felimon Ruiz sa kanilang mga puwesto noong Sept. 1, 2022.
Sana ay hindi na ibinida ni Press Sec. Trixie Angeles na sinibak ang mga 'yan kung ibabalik din lang pala sila sa puwesto ni Comm. Ruiz.
◘◘◘
NADISMAYA ANG TAUMBAYAN KASI PABIDA LANG PALA ANG SIBAKAN SA PORT OF SUBIC AT RAID SA WAREHOUSE NG MGA SUGAR CARTEL—Sa nakalipas na dalawang linggo ay gumanda na sana ang tingin ng publiko sa Customs dahil sa ginawang pagsibak sa mga opisyal nito at sa sunud-sunod na raid sa mga warehouse na may mga naka-hoard na libu-libong sako ng asukal, kaya lang ay muling nadismaya ang mamamayan kasi 'yung mga sinibak ay ibinalik din sa dati nilang puwesto at wala rin silang kinasuhan at ikinulong na mga sugar cartel.
Dahil d'yan, lumalabas na ang sibakan sa Port of Subic at mga raid sa mga warehouse na may mga naka-hoard na liuo-libong sakong asukal ay pasiklab lang pala ng Bureau of Custom (BOC).
◘◘◘
DAPAT IMBESTIGAHAN ANG STL-BOOKIES—Sa mga lugar na may operasyon ng legal na STL (Small-Town Lottery) ay may mga nag-o-operate rin ng STL-bookies, tulad sa Pasig City, Mandaluyong City at Rizal, may pa-STL-bookies daw d'yan sina "Egay" at "Kit"; sa Batangas ay sina "Biskotso," "Acebo," "Indo," at sa Laguna ay sina "Alvarez," "Ibora," "Toce" at "Tita."
Dapat imbestigahan ito kasi baka ang buwis na dapat mapunta sa pamahalaan, sa bulsa pa ng mga magbu-bookies napupunta.
◘◘◘
MAYOR MAGALONG AT COL. LONOGAN, 'NGANGA' SA MGA MANRARAKET SA BAGUIO CITY—Hindi lang pala ang illegal na mini-casino ni "Patrick" sa Legarda-Dampa ang namamayagpag, hataw din pala ang operasyon ng drop balls at color games nina "Nestor" at "Biagtan" sa Kayang, "Andy" at "Uldak" sa Otek, "Buda" sa slaughter house, pawang sa Baguio City.
Ganyan na karami ang mga manraraket sa Baguio City, pero ang nakapagtataka, "nganga" lang sina Mayor Benjamin Magalong at chief of police, Col. Glenn Lonogan sa raket ng mga ilegalistang ito sa lungsod.





Comments