ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo| February 20, 2021
“Stabat mater.” Ito ang Latin ng isinulat tungkol kay Maria na tumayo at hindi umalis sa kabila ng napakasakit at masaklap na pangitain ng kanyang anak na si Hesus, na duguan at unti-unting nalalapit sa kamatayan.
Tumayo siya nang puno ng pagmamahal at katatagan dahil lubos niyang nauunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng sakripisyo ng kanyang anak.
Ito ang kakaibang lakas, tapang at tatag ng ina, babae sa harap ng anumang panganib na kinahaharap ng kanilang mga anak, asawa at mahal sa buhay. Ito ang malalim na kahulugan at kahalagahan ng mga katagang “stabat mater.” Sa palapit nang palapit na pagdiriwang ng mga Mahal na Araw, muling papagitna ang imahe ni Maria, bilang ina at babae, at disipulo rin ng kanyang anak na si Hesus.
Bago pa nakarating si Maria sa paanan ng krus ng kanyang anak, mahaba na ang naging paghahanda niya para hindi pangkaraniwang papel na kailangan nitong gampanan. Pinagdiriwang din ang pitong hapis ni Maria tuwing Biyernes Santos, tuwing pinagninilayan natin ang papel ni Maria bilang Birheng Dolorosa. Tingnan natin ang pitong hapis ni Maria:
1. Ang hula ni Simeon sa sanggol na si Hesus (Lukas 2:34)
2. Ang pagtakas patungong ehipto ng banal na mag-anak (Mateo 2:13)
3. Ang pagkawala ng batang Hesus ng tatlong araw (Lukas 2:43)
4. Ang pagkasalubong ni Hesus at Maria sa daan ng krus (Lukas 23:26)
5. Ang pagkamatay ni Hesus sa krus kung saan ang kanyang ina’y nakatayo sa paanan ng krus (Juan 19:25)
6. Ang pagbababa mula sa krus kay Hesus, kung saan kinalong ni Maria ang bangkay ni Hesus (Mateo 27:57)
7. Ang paglilibing kay Hesus (Juan 19:40)
Mula sa pagiging sanggol ni Hesus hanggang sa kanyang misyong pampubliko na humantong
sa kanyang paghihirap at kamatayan sa krus, naroroon si Maria na hindi umaalis, nakatingin na umaalalay na may pagmamahal sa kanyang anak.
Ganito ang paghuhubog at paglago ng mga kakaibang babae na may espesyal na papel sa kasaysayan. Dala-dala ng ina sa kanilang puso ang galak at dalamhati ng pag-aalaga at pagsubaybay sa kanilang mga anak mula sa pagiging sanggol ng mga ito hanggang sa kanilang paglaki. Kapwa ina sina VP Leni Robredo at Sen. Leila de Lima.
Naranasan ng dalawa ang lahat ng subok sa pagiging ina at kung sila ay tapat ding mananampalataya at disipulo ni Hesus sila ay hahantong din sa paanan ng krus.
Mahigit apat na taon ang protesta ni “Bongbong” Marcos sa pagkapanalo ni VP Leni Robredo. Mag-aapat na taon na ring nakakulong si Sen. De Lima sa mga kasong walang basehan dahil walang anumang ebidensiyang maipakita ang prosekusyon upang patunayan ang kanyang pagiging sankot sa ilegal na droga. Magkasunod noong nakaraang araw ang pagbasura ng Korte Suprema sa Electoral Protest laban kay VP Leni ni Bongbong Marcos at ang isa sa tatlong kaso na nagsasangkot kay Sen. De Lima sa droga.
Patuloy nating ipagdasal ang dalawang babae, sa kanilang dakilang papel sa panahong ito. At muling kunan sila ng inspirasyon sa pagharap sa mga matitindi at mapanganib na suliranin at hamon ng kasalukuyang panahon. Kung merong Stabat Mater ng malalakas, matatapang at matatag na kababaihan, meron din sanang Stabat Populo na handang manindigan at mag-sakripisyo.
Comentarios