top of page
Matet de Leon - FB.jpg

Shocking daw, madlang pipol… MATET, UMAMING MARAMING NANGYARI SA KANILA NI IAN NA ‘DI PA NIYA NAIBUBULGAR

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 4 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 25, 2026



Matet de Leon - FB

Photo: Matet de Leon - FB



Ayaw talagang paawat ni Matet de Leon at todo-patol pa rin sa mga nang-aaway sa kanya sa social media.


Gusto niyang iparamdam sa mga bashers niya na hindi siya apektado sa harsh comments ng mga ito kaugnay ng away nila ng kapatid na si Ian de Leon, pero obvious namang gigil much siya dahil sinasagot niya ang ilang negative comments.


Kahapon ay dalawang magkasunod na Facebook posts na naman ang nabasa ng mga followers ni Matet.


Una niyang post na patungkol sa mga bashers niya (as is), “Ituloy lang ninyo masasamang comments ninyo tungkol sa akin at sa mga kapatid ko. Tandaan ninyo, kami parin ang nananalo. Matakot kayo sa gaba ng Diyos. Yes. Ganyan ako katapang humirit ng ganyan. Kilala namin ang sarili namin. Kayo ang nagkakasala. Hindi kami. Babalik at babalik sainyo ang ginagawa ninyo.”


Dagdag pa nito, “Nakatingin ang Diyos sa inyo habang nagsusulat kayo ng mali about us. May one point kayo. Kami, wala.”


At may kasunod pang, “At. At. At. May choice kami kung babasahin namin ang comments. Kung masasaktan niyo kalooban namin o hindi. So tandaan ninyo, baka sayang ang pagkakasala ninyo. 


“Mag isip, bago mag comment.. Kung hindi.. ONE POINT!!! 

“This post is also dedicated sa mga nagpo post ng bible verse pero ang sasama ng comment. Wow peace!”


After an hour, may mahabang post na naman si Matet. Hindi busy? Char!  

Saad naman nito na nagbanggit na ng pangalan ng kanyang kapatid na si Ian de Leon, “Maraming nangyari sa amin na hindi ko na ni reveal sainyo dahil hindi naman kayo kasali. ‘Pag nalaman ninyo, baka maloka kayo. Nahing (naging) maingat ako sa pag sagot (panoorin ninyo uli) Yung mga pinagsasasabi ni ian, TRUTH niya yun. Nung nagpa interview siya at nagsabing siya ang sole heir ng paulit ulit, umikot mga pwet ninyo. Nag assume na nang aagaw kami. Mga ‘to naman o. Yung amin, ayoko na sana  ilabas. Never kayong nakarinig o nakapanood na nag over share ako ha.” 


Sinabi rin ni Matet na ang tunay na kaaway niya ay ang mga bashers na todo-comment sa kanilang magkakapatid na wala naman daw alam sa totoong nangyayari sa kanila.

May sagot din siya sa ibinabato sa kanya ng mga netizens na wala siyang utang na loob.

“Sa ungrateful naman, ah eh.. Ha? Wala nanaman kayong alam dun.. Nakatingin nanay ko sakin habang nagsusulat ako ngayon Alam niyang sobrang grateful ko at naalagaan ko siya ng higit sa makakakaya ko. 


“Kaya guys, tama na yan. Wag niyo na inisin sarili ninyo ha? Hindi naman kayo kasi kasali eh.” 


Sa huli, nag-iwan din siya ng mensahe para sa kanyang “Kuya” Ian. 

“Para sa’yo, “kuya” ian, sana sinabi mo rin sa tao yung mga nagawa mong mali. Na hindi totoong nang kakamkam kami. Na yung zoom meeting (tutal nabanggit mo na) eh para sa play na feeling ko mali at hindi enterprise o foundation?”


Masama rin ang loob ni Matet sa kapatid dahil sa pagsasalita raw nito recently sa Fast Talk with Boy Abunda, parang sila ang nadiin at naba-bash ngayon.  


“Sana hindi mo na e-enjoy ito. Sa tingin mo ba, deserve namin to? Na winawalanghiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming k*pal kahit alam mong hindi. Di kayo sumasagot sa chat eh. Dito na lang.”


Tsk, tsk! Hanggang saan kaya aabot ang away ng magkakapatid?

Maghimala kaya si Ate Guy? Sumalangit nawa ang Superstar.



MGA NOMINADO SA 9TH EDDYS, IPAKIKILALA NA!


HABANG papalapit ang 9th Entertainment Editors' Choice, na mas kilala bilang The Eddys, mas nagiging kapana-panabik ang magaganap na malaking pagtitipon sa ika-5 ng Hulyo sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City.


Opisyal nang ilalahad ngayong Hunyo 25, 2026 ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang mga nominado ngayong taon sa isang espesyal na pagtatanghal sa Cedar Function Room ng Luxent Hotel sa Quezon City.


Magsisimula ang pag-aanunsiyo ng mga nominado sa ganap na alas-dos nang hapon at mapapanood ito nang live sa PlayTime Entertainment YouTube channel, na magbibigay-daan sa mga tagahanga ng pelikula at mga tagasubaybay ng industriya sa buong bansa na masaksihan ang mga napiling maglalaban-laban ngayong taon para sa mga pangunahing parangal na kumikilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.


Ang SPEEd member na si Jun Lalin ng Abante ang magho-host ng programa at naatasang magpakilala sa mga natitirang bahagi ng entertainment editors' group, sa pangunguna ni Pangulong Tessa Mauricio-Arriola ng The Manila Times, na mag-aanunsiyo ng mga nominado sa labing-apat na kategorya ng kompetisyon.


Makakasama sa nominees reveal ang mga bida ng paparating na thriller film na Mantsa na sina Shira Tweg at Khai Flores para ianunsiyo ang mga nominado para sa apat na major awards: Best Actor, Best Actress, Best Director at Best Picture. Hahandugan naman ng awitin ng singer na si Isha Ponti ang mga manonood sa live streaming.

 

"Ang nominees reveal ay isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng The Eddys dahil ito ay paunang pagbibigay-halaga sa mga pelikula, mga artista at mga malikhaing talento na tumulong sa paghubog ng sinehan sa Pilipinas noong nakaraang taon," sabi ni Mauricio-Arriola. "Inaasahan naming ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay at ibahagi ang kapana-panabik na sandaling ito sa mga tagahanga ng pelikula sa lahat ng dako."


Ang PlayTime Entertainment ang katuwang ng SPEEd upang mas maging malawak ang maabot na audience. Sila ang mag-i-stream nang live sa programa sa kanilang YouTube channel.


Ang PlayTime Entertainment ay isang multi-platform entertainment company na nakikibahagi sa paggawa ng content, pagbuo ng talento, mga live na karanasan, at mga inisyatiba sa pakikipag-ugnayan ng madla na sumusuporta at nagdiriwang ng talentong Pilipino.


Pangungunahan nina Concert Queen Pops Fernandez at TV host-broadcaster na si Kim Atienza, ang star-studded ceremony ng 9th EDDYs ay magbibigay-parangal sa pinakamagagandang tagumpay ng Philippine cinema sa nakalipas na taon habang pinagsasama-sama ang ilan sa mga pinakamalalaking bituin, filmmakers at creative talents ng industriya.


Taun-taon na inoorganisa ng SPEEd, ang The Eddys ay nananatiling isa sa mga pinakarespetadong award-giving bodies sa bansa na nakatuon sa pagkilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino. 


Ang 9th Entertainment Editors' Choice ay nabuo mula sa suporta ng Newport World Resorts, PlayTime Entertainment at Echo Jham Productions; kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; habang major sponsors ang Luxent Hotel, Beautéderm Corporation at La Playa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page