Shocked sa nalaman sa mga anak… SYLVIA, NAKITA ANG MGA PAGKUKULANG BILANG INA DAHIL SA PANDEMYA
- BULGAR

- Oct 15, 2020
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | October 15, 2020

Sa unang pagkakataon ay inamin ni Sylvia Sanchez sa national television na hindi siya perpektong ina dahil sa Covid-19 pandemic ay na-realize niyang marami pala siyang pagkukulang sa mga anak niya.
Lagi kasing binabanggit ng aktres na gusto niyang hands-on siya sa pamilya niya kaya hangga’t maaari, ang araw ng Linggo ay day-off niya sa trabaho, pero hindi pala sapat 'yun.
Sa guesting ni Sylvia sa Magandang Buhay nitong Lunes (Oktubre 12) ay naibulalas niya ang lahat.
“Ang dami kong hindi alam sa mga anak ko pala. Kung hindi pa sa pandemic, hindi ko malalaman lahat kasi nga, ngayon, magkakasama na kami sa bahay.
“Kapag nag-uusap sila, napapa-stop ako kasi hindi ko na alam kung ano'ng mga pinag-uusapan kaya kailangan kong humabol sa kanila, mga maliliit na bagay na hindi ko pala natutukan na akala ko, natutukan ko.
“Sabi ko nga sa mga anak ko, hindi ako perfect na mommy, pero itina-try ko ‘yung best kong maging mabuting mommy, kaya sa pandemyang ito, na-realize ko na kulang pa ‘yung pagiging mommy ko,” pagtatapat ng aktres.
Dagdag pa, “Kaya naniniwala akong in-allow ng Diyos ito (pandemya) para ma-realize natin na kasi, dumating na tayo sa point na halos wala na tayong pakialam (dahil) sa power, fame, pera. May ganu’n na, eh. Karamihan, ha, kasi nawawala na ‘yung (buong) pamilya. I thank God kasi ginising niya ako, ‘Sylvia, pamilya ang importante.’
“Kaya kapag may mga nagsasabing, ‘Tita Sylvia, ikaw talaga ‘yung nanay na sobrang tutok sa mga anak,’ hindi, aaminin ko sa sarili ko, hindi. Kasi lagi nga akong wala sa bahay, kaya nitong magkakasama kami, ngayon ko lang nakita ‘yung mga hindi ko nakikita noon.”
Sa madaling sabi, ngayon lang bumabawi ang aktres para pagsilbihan ang mga anak dahil lumaki silang inakala niyang natutukan niya ang mga ito.
Kaya nabanggit niya na pagtungtong niya ng edad 55 ay lie-low na siya sa pagtanggap ng proyekto dahil gusto na niyang tutukan ang mga anak niya.
“Gusto kong sumabay sa kanila, gusto kong pasukin ‘yung mundo nilang millennial. Hindi mo puwedeng ikatwiran na, ‘Kasi, ‘yung henerasyon namin, ganito.’ Hindi, kailangan ‘yung henerasyon nila ang sundan mo,” katwiran pa ni Ibyang.
Kaya nga tuwing weekend ay parati silang nasa bahay-bakasyunan nila sa Nasugbu, Batangas at super bonding talaga.
Isa sa mga araw na ito ay balik-trabaho na kasi si Sylvia sa inspirational series na Huwag Kang Mangamba handog ng Dreamscape Entertainment.




Comments