Shiela Guo, kumantang tumakas ng 'Pinas gamit ang bangka
- BULGAR

- Aug 27, 2024
- 1 min read
ni Angela Fernando @ News | August 27, 2024

Kinumpirma ni Shiela Guo nitong Martes sa isang panel ng Senado na siya, kasama ang kanyang mga kapatid na sina Alice Guo at Wesley Guo, ay umalis ng 'Pinas sa pamamagitan ng pagsakay ng bangka. "Sakay po kami ng boat," saad ni Guo sa subcommittee ng Senado.
Ayon kay Shiela Guo, sila ng kanyang mga kapatid ay sinundo ng isang van mula sa kanilang farm sa Tarlac, at nagbiyahe sila pa-southbound mula hapunan hanggang hatinggabi. "Siguro after dinner 7:08 tapos ang dating namin hatinggabi. Di ko sure kung tama po kasi di ko maano sa oras," dagdag pa ni Shiela.
Gayunpaman, sinabi ni Shiela Guo na hindi niya alam ang eksaktong lokasyon kung saan sila sumakay ng maliit na puting bangka.
Ayon kay Guo, ang maliit na bangka ay kaya lamang magsakay ng humigit-kumulang 10 katao. Pagkatapos, lumipat sila sa isang mas malaking bangka na, ayon kay Guo, ay maaaring magsakay ng mas maraming tao.
Ang pangalawang barko ay tila isang bangkang pangisda dahil may mga lambat ito. "May palit pa isa ulit. 'Yung maliit naman na parang kulay blue o green," pahayag pa ni Guo.
Nang tanungin kung dinala sila ng huling bangka patungong Malaysia, sumagot si Guo ng "oo." Si Guo ay dumalo sa pagdinig habang siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado. Matatandaang siya at si Cassandra Li Ong, na na-subpoena ng isa pang komite ng Senado, ay nasabat sa Indonesia nu'ng nakaraang linggo.





Comments