top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Shamet at Bridges, kinapitan ng Suns sa OT; Jazz nanambak

BULGAR
Mar 22, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 22, 2022




Limang sunod na ang panalo ng Phoenix Suns matapos makaiwas mapahiya sa Sacramento Kings sa overtime, 127-124, kahapon sa Golden 1 Center. Dahil dito, isa o dalawang panalo na lang ang kailangan ng 58-14 Suns upang makasigurado sa pinakamataas na kartada sa NBA ngayong taon.

Pinalamang ng three-points ni reserba Landry Shamet ang Phoenix na may 31 segundo sa orasan,123-121. Mula roon ay kumapit ang Suns sa likod ng mahalagang puntos nina Mikal Bridges at Torrey Craig at isa pang free throw ni Shamet upang mabitin ang balak ng Kings na makalapit.

Namuno sa Suns si Devin Booker na may 31 puntos. Sinundan siya nina Bridges na may 27 puntos at Shamet na may 21 puntos. Matiyagang binura ng Suns ang 105-100 lamang ng Kings sa huling 4 na minuto at inagaw ng shoot ni Booker ang lamang na may 8 segundo sa orasan, 110-108. Tumawag ng timeout ang Sacramento at tinabla ni Davion Mitchell ang laban na may 2 segundong nalalabi at itakda ang karagdagang 5 minuto.

Huling nagtapos ng numero uno ang Phoenix sa buong liga noong 2004-2005 na may 62-20 panalo-talo na pumantay sa 62-20 na unang naitala noong 1992-1993 na pinakamataas sa kasaysayan ng prangkisa. Maaaring mahigitan nila ito at may nalalabi pa silang 10 laro – tatlo sa Footprint Center at pito sa tahanan ng kalaro.

Walang nakapigil sa matinding shooting ng bisitang Utah Jazz at tinambakan ang New Yorks Knicks, 108-93. Sinimulan ni kabayan Jordan Clarkson ang laban sa 18 ng 23 puntos sa first half bago uminit si Donovan Mitchell sa second half at magtapos na may 36 puntos.

Sa ibang laro, ginulat ng bisitang San Antonio Spurs ang Golden State Warriors, 110-108. Hinila pababa ng bisitang Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers, 93-88, at pinabuti ang pag-asa na makaiwas sa delikadong Play-In Tournament sa susunod na buwan. Nasa ika-7 puwesto pa rin ang Raptors sa 40-31 subalit bumagsak ang 43-27 76ers sa pangatlo at umakyat muli sa pangalawang puwesto ang 44-27 World Champion Milwaukee Bucks.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page