Sey mo, Kathryn? ALDEN AT JULIA, SUPER CLOSE PA RIN KAHIT TAPOS NA ANG MOVIE
- BULGAR

- 5 days ago
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | December 15, 2025

Photo: FB Alden Richards
Tama ang hula namin na ang ama niyang si Richard Faulkerson Sr., member ng Alden Richards family, ay guest sa ARXV: Moving Forward Fan Meet to celebrate the actor’s 15th showbiz anniversary.
Ang gandang pagmasdan ng mag-ama na magkasama sa stage, at habang kinakanta ni Alden ang Supermarket Flowers, ang ama niya ang nag-accompany sa kanya sa piano.
Present din sa fan meet ni Alden ang Lola Linda niya, at sa nakita naming photo, nasa standby area sina Alden at lola niya na kausap naman si Betong Sumaya.
Touching ang dalawang eksena, lalo na at very close sa kanyang family si Alden. Naisip siguro niya na kung buhay ang mom at lolo niya, siguradong kasama rin nila sa kanyang 15th anniversary.
Nanghinayang si Alden na hindi na naabutan ng mom niya ang pagsulong ng kanyang career, lalo na’t ang mom niya ang may gusto na mag-showbiz siya. Maganda lang, kasama ng aktor sa important occasion ng buhay niya ang kanyang mga fans na laging nakasuporta sa kanya.
Special guest din ni Alden ang kaibigan at kumare niyang si Julia Montes. Ikinagulat ni Alden ang pag-apir sa stage ni Julia at akala’y hanggang video message lang ang pagbati nito sa kanya. Ninerbiyos pa nga si Alden dahil nasira ang video greetings ni Julia; ‘yun pala, personal siyang babatiin nito.
“Maraming-maraming salamat for being here,” part ng thank you message ni Alden kay Julia na bumiyahe pa papuntang Sta. Rosa, Laguna.
Ang ganda ng friendship ng dalawa kahit matagal nang tapos ang movie na pinagsamahan nila at naging daan ‘yun para maging magkaibigan din sina Alden at Coco Martin.
Guests din ang Cup of Joe at cast ng Love You So Bad (LYSB) na sina Bianca de Vera, Dustin Yu, at Will Ashley. May video greetings naman sina Sharon Cuneta at Direk Cathy Garcia at ang mga hosts ng event ay sina Betong at Shaira Diaz.
Sa Dec. 17 na raw…
CARLA, TODO-PABYUTI NA PARA SA KASAL SA DOKTOR
Parang totoo ang balitang malapit na ring ikasal si Carla Abellana sa fiancé niyang si Dr. Reginald Santos, at ang balita pa nga, sa December 17 na ang wedding nila.
Kung totoo, sa Wednesday na, kaya lang ay parang wala namang ingay… unless, gulatin tayo ng engaged couple.
May nabasa rin kaming comment sa Instagram (IG) ni Carla na, “Lapit na ng wedding, Excited na kami,” na parang galing sa fan ng aktres.
May nagbiro rin ng “Iba talaga ang ngiti, in love ‘yan?”
May comment pang “Keep on smiling because you’re engaged.”
Ayon naman sa isang fan, naghahanda na si Carla for her big day dahil nagpunta siya sa Aivee Clinic, at noong isang araw naman ay nasa GAOC Dental. Kinokonek ng mga fans ang pagpunta ni Carla sa skin clinic at dental clinic bilang paghahanda sa kasal nila ng kanyang fiancé.
Malay nga natin at magkatotoo, at kung mangyayari nga, magiging masaya ang mga fans ni Carla Abellana na wish na maging happy ang personal at love life nito dahil deserve raw nito ang happiness sa buhay niya.
HINDI na kailangan ang mahabang caption sa photo ni Dingdong Dantes kasama ang wife na si Marian Rivera. ‘Afters’ lang ang caption sa larawan ng mag-asawa na kuha sa wedding nina Kiray Celis at Stephan Estopia kung saan kabilang sila sa mga ninong at ninang.
Ang sweet ng photo ng mga Dantes. Nakaupo sila, nakahilig si Marian sa balikat ni Dingdong, at nakahawak pa sa braso ng asawa. Nakangiti ang aktres sa larawan; nagpahinga lang siguro ang dalawa at hindi akalain na pupusuan ng marami ang kanilang larawan.
Samantala, nakakatawa ang sagot ni Dingdong sa nagtanong kung kumusta ang tuhod niya after magsayaw at nag-guest sila kasama ang dance group nilang Abztract Dancers sa Sexbomb concert.
Sagot ni Dingdong, “Naku, parang talong na bagong ihaw,” na ikinatawa ng kanyang mga fans.
May nagpayo sa kanya na gumamit ng Efficascent oil.
Natuwa siguro si Dingdong sa comment na wala pa rin siyang kupas, magaling pa rin siyang sumayaw kahit tini-Tito na siya.
Speaking of Dingdong, nagsimula na siyang mag-taping ng bagong series niya sa GMA na Master Cutter (MC). Ang bagong project ang rason kung bakit mahaba at hindi siya nagpapagupit ng buhok. Interesting malaman kung bakit kailangang mahaba ang buhok ng karakter at role ni Dingdong Dantes sa series na airing sa 2026.








Comments