Sextortion sa ‘Pinas, aksyunan agad
@Editorial | June 13, 2023
Isang lalaki ang naaresto at inirereklamo ng “sextortion” ng isang kolehiyala, at ang kagimbal-gimbal pa rito, natuklasan na aabot sa 20 ang mga nabiktima nito.
Ayon sa biktima, nagkakilala sila sa isang dating application at patago umanong ini-record ng suspek ang kanilang mga maseselang video call at ginamit itong panakot upang maging sunud-sunuran sa kanya ang biktima.
Talamak na ang mga ganitong aktibidad sa Pilipinas, ngunit bakit nga ba may nabibiktima pa rin nito?
Para sa mga kababaihan o kalalakihan, huwag agad na magtitiwala sa mga nakakausap online.
Sa mga taong gumagawa naman ng ganitong modus, maaaring maharap kayo sa mabigat na kaso kung hindi titigilan ang mga ganitong klase ng aktibidad.
Kahit sino ay maaaring mabiktima ng sextortion. Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang pagiging biktima ay maging maingat sa pagpili ng online friends, lalo na kapag nagbabahagi ng intimate o personal na larawan at footages.
At kung ikaw naman ay nabiktima ng sextortion, i-screen shot at i-report agad sa pulisya ang lahat ng inyong pinag-usapan at gawin itong ebidensya laban sa suspek.
Panawagan naman sa kinauukulan, pagtuunan sana ng pansin ang mga ganitong kaso upang hindi na lumaganap pa at patawan ng mabigat na parusa ang mga mahuhuling gumagawa ng sextortion.



Comments