Sex education sa iskul, dapat simulan pagtuntong ng Grade 5 kontra teenage pregnancy
- BULGAR

- Sep 9, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 9, 2020
Muling nagpahayag ang Commission on Population and Development (PopCom) sa kinahaharap nating dagdag-populasyon sa pagtatapos ng taon hanggang sa mga unang buwan ng susunod na taon.
Mahigit umano sa dalawang milyong sanggol ang nakatakdang isilang na lahat ay nabuo sa gitna ng pandemya bunga ng mahigpit na pagbabawal lumabas ng bahay dahil sa pinagdaraanan nating community quarantine.
Ayon sa PopCom, 20 porsiyento umano sa mga isisilang na sanggol ay mula sa hanay ng mga menor-de-edad o bunga ng teenage pregnancy na nabuo dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Hindi pa kabilang dito ang inaasahang mahigit sa 200,000 na magbubuntis na nasa tamang edad ngunit aksidenteng nabuntis o hindi pa handang magdalang-tao ngunit dumami ang pagkakataong makipagtalik dahil sa haba ng pananatili sa loob ng bahay.
Dahil dito ay nagtulung-tulong ang PopCom, Department of Education (DepEd) at maging ang Department of Health (DOH) upang tugunan ang malaking problema ng bansa hinggil sa teenage pregnancy.
Isa sa nakikitang paraan ay ang pagkakaroon ng komprehensibong sexual education o paksa na ituturo sa murang kamalayan ng mga mag-aaral ngunit gising na sa usaping seksuwal.
Ayon sa pag-aaral ng PopCom, ang mga batang nasa Grade 5 o nasa edad ng puberty ay karaniwang nagsisimula na sa pagtuklas dahil sa nakararanas ng mga pagbabago sa kanilang pisikal na pangangatawan.
At dahil sa kawalan ng tamang paggabay mula sa mga magulang at guro ay karaniwang namamali ng landas ang mga menor-de-edad dahil sa personal nilang tinutuklas ang mga bagay na hindi pa dapat sa kanilang edad.
Partikular na ikinamamangha ng mga bata ang pagbabago ng ilang bahagi ng kanilang katawan na hindi nila maitanong sa kanilang mga magulang kaya karaniwang sa kaedad lamang nila sila kumukuha ng impormasyon na madalas ay mali rin.
Dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay maraming magulang ang hindi nabibigyan ng sapat na atensiyon ang kani-kanilang mga anak, kaya ang resulta ay palaging nasa labas ng bahay at kahalubilo ang kapwa nila menor-de-edad.
Natural na palaging kaakibat ng maling barkada ang pag-aaral ng mga bisyo tulad ng pagninigarilyo, pag-inom ng alak, pagtikim ng bawal na gamot, panonood ng mga pornographic materials na available sa laptop o cellphone at kapag wala na sa sarili ay hindi na alintana ang kapusukan na humahantong sa wala sa oras na pagbubuntis.
Lumalabas din sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) na ikatlo lamang ang mga magulang sa pagpipilian na nais ng mga kabataan na bahaginan ng kanilang problemang kinakaharap.
Palaging una sa nakakaalam ng kanilang problema ay kanilang mga kaibigan o ang kanilang kasintahan na menor-de-edad din na inaasahang hindi naman magtuturo ng tamang solusyon.
Kaya kahit maisaayos na ng DepEd ang tamang paraan para maituro ang sex education sa mga bata ay higit pa ring mahalaga ang gabay ng mga magulang na siyang unang nagbubuo ng pundasyon para sa mabuting-asal ng bata.
Mahalagang maintindihan ng isang bata ang kahalagahan ng kanyang sarili at ng papel na kanyang ginagalawan sa lipunan upang hindi niya subukan ang mga bagay-bagay na hindi niya tiyak ang kahihinatnan.
Sa bahagi ng pamahalaan, mahalagang maiparating natin ang tamang impormasyon sa kababaihan maging bata man o matanda kesa mamahagi tayo ng mga contraceptives na kapag naubos ay hindi na naman nila alam ang susunod na gagawin.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments