top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Seryosohin natin ang climate change

BULGAR
Nov 7, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 7, 2022


Tila umusbong ang bahagyang sisihan sa pagitan ng mga lokal na opisyal na naapektuhan ng Bagyong Paeng at pamunuan ng Philippine Atmospheric,Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dahil sa kakulangan umano ng maayos na anunsyo hinggil sa naturang bagyo.


Dahil sa lakas ng pananalasa ay hindi kinaya ng mga paghahandang isinagawa ng maraming lokal na pamahalaan dahil hindi umano nila akalaing sobrang lakas ng hangin at napakaraming buhos ng ulan ang magaganap kaya sinisisi nila ang PAGASA.


Ilang araw na namang nagpapaliwanag ang PAGASA at tahasan nilang sinasabi na kahit katiting ay wala silang pagkukulang sa kabila ng kakapusan nila sa mga empleyado at may ilang aparato na hindi gumagana ay buong-buo pa rin umano nilang naipahatid sa publiko ang anunsyo.


Tila nakakalimot tayo saglit na ang mga hindi inaasahang kalamidad ay epekto na ng tinatawag na climate change at maging ang PAGASA ay kumbinsido na simula pa lamang ng pananalasa ng Bagyong Yolanda at mga sumunod pang bagyo ay epekto na ng climate change.


Kaya agad akong nagsumite ng resolusyon na naglalayong atasan ang nararapat na komite sa Senado na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation hinggil sa pagkadamay ng maraming bagay at hindi mapigilang pag-usbong ng mga negatibong epekto ng climate change.


Ito ay upang matiyak lamang ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino hinggil sa delikadong banta na dulot ng pagtaas ng frequency at intensity ng natural na sakuna at kalamidad na sa huli ay masiguro na magkaroon ng sistema at polisiya na mapaninindigan ang kaligtasan at katatagan.


Panahon na para pagtuunan ng pansin ang pag-aaral at seryosong paghimay sa mga detalye ng climate change upang kung may kalamidad na dumating ay hindi na maulit na mauwi sa sisihan ang lahat dahil lamang sa mali ang ating pagtaya.


Nalilihis kasi tayo ng direksyon at nawawala sa pagtutok kung paano ireresolba ang lumalalang sitwasyon hinggil sa climate change na hindi na mapigilan ang mga pagbabago at kaganapan na kasalukuyan nang nangyayari.


Huwag sanang mawaglit sa isipan ng ating mga kababayan na ang Pilipinas ay itinalang pang-17 sa buong mundo na pinakaapektado ng mga kalamidad base sa inilabas na ulat ng Global Climate Risk Index.


Ibig sabihin nito, talagang nararanasan na natin ang climate change kaya nga may ginagamit na tayong klasipikasyon na Corona’s four type of climate types (Types I-IV) base sa buwanang nararanasan nating klase ng klima sa loob ng isang taon.


Ang isang lalawigan ay ikinukonsiderang Type I climate kung nakararanas ng kakaibang init ng panahon na nagdudulot ng pagkatuyo ng lupa na sinasabayan ng mga hindi inaasahang pagbuhos ng ulan; karaniwan kasi na tag-ulan ang panahon ng Hunyo hanggang Nobyembre.


Ang Type II climate naman ay kung nakararanas tayo ng maalinsangang panahon at wala talagang pagbuhos ng ulan sa buong taon at nagkakaroon lamang ng pag-ulan sa buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero.


Itinuturing namang Type III climate kung napakaikli ng panahon ng tag-init na karaniwang nagaganap sa mga buwan ng Pebrero hanggang Abril, samantalang ang Type IV ay ang regular na pag-ulan sa buong taon na tila sinadya ang pagkakatakda ng panahon sa pagbuhos ng ulan buong taon.


Base sa pag-aaral ng PAGASA, dalawa ang pangunahing sanhi ng climate change na dapat maging malinaw sa ating mga kababayan upang kahit paano ay maibsan ang paglala nito.


Ang una ay ang natural na pagbabago ng klima ng buong mundo nitong mga nagdaang matagal na panahon dahil sa sama-samang epekto ng enerhiya mula sa araw, pag-ikot ng mundo at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa mundo.


Ikalawa ay ang gawain ng mga tao na nagbubunga ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases (GHGs) na siyang nagkukulong ng init sa mundo na kung hindi talaga mapipigil ay baka kung saan na tayo pulutin paglipas ng panahon.


Maging ang pagbuga ng carbon dioxide ng mga sasakyang gumagamit ng gasolina, ang pagpuputol ng mga puno na inaasahan nating mag-aalis ng carbon dioxide sa hangin at ang pagkabulok ng mga bagay na organic na nagbubunga ng methane na isa pang uri ng GHGs ay ilan sa mga sanhi ng climate change.


Ayon sa pahayag ng United Nations (UN) para mapanatili nating maayos ang klima ng mundo, ang greenhouse-gas emissions ay kailangang maibaba sa net zero bago pa sumapit ang taong 2050 dahil kung hindi ay tiyak na wala nang titirahan pa ang susunod na lahi.


Maging ang World Bank ay nagpahayag na ang climate change ay maaaring magdulot ng pagkagutom sa mahigit sa 100 milyong katao sa buong mundo sa taong 2030 kung hindi natin matutugunan ang problemang ito na binalewala lang ng ilan.


Ang climate change ay phenomenon na labis talaga ang epekto sa buong Pilipinas at mahihirapan tayong tugunan ang kahirapan, pagkagutom, kalusugan, kaligtasan at ibang suliranin na maaari nating kaharapin kung babalewalain lang natin ang nakakatakot na problemang ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page