Serbisyo ng gobyerno, libre, ‘wag magpaloko
- BULGAR
- May 23, 2024
- 1 min read
@Editorial | May 23, 2024

Namamayagpag na talaga ang mga online scammer. Lahat ng puwedeng mapagkakitaan, papasukin, wala ng mga konsensya.
Isa sa madalas na ginagamit ngayon ng mga scammer ay ang mga ahensya ng gobyerno.
Bukod sa talagang sinusubukang ma-hack ang mga website, meron ding gumagawa ng bagong account gamit ang pangalan at logo ng government agency. Isa sa mga ito ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Kung saan, may isang social media account na gumagamit sa pangalan ni Administrator Arnell Ignacio. Ang naturang account ay nakabiktima ng isang indibidwal at nakuhanan pa ito ng limang libong piso.
Kaya agad na nilinaw ng OWWA sa overseas Filipino workers (OFWs) at sa kanilang pamilya na hindi kailangan ng bayad para sa mga serbisyo nito. Ang kanilang paglilingkod ay libre para sa lahat.
Hinikayat din ang publiko na huwag i-entertain ang sinumang grupo at indibidwal na hihingi ng halaga kapalit ng serbisyo. Kapag may nagtangka sa ilegal na aktibidad, agad na ipagbigay-alam sa ahensya.
Kaya ang laging paalala sa netizens, maging wais at mapagduda sa mga nababasa online. Alamin muna kung ang nag-post ay legit na social media account. Kung hindi sigurado, huwag paniwalaan at ‘wag nang i-share para ‘di na kumalat at makapambiktima ng iba.
Bagama’t may mga lehitimo namang page o account ang mga government agencies, kung may pagkakataon, para sigurado ay magtungo na lang sa mismong tanggapan.
Comentarios