Serbisyo ng GCash, pagandahin; seguridad ng users, tiyakin!
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 12, 2023
Nagtungo sa aking tanggapan ang ilan sa opisyales ng GCash (na ino-operate ng G-Xchange, Inc.) at Globe Telecom, Inc. matapos nating maglabas ng pahayag noong Lunes hinggil sa iskandalong naganap sa mga users ng GCash, na ang iba ay naligaw ang account at ang iba naman ay nawala ang pera.
Aaminin ko na medyo nawala ako nang bahagya sa tamang pagtitimpi dahil naramdaman natin ang pakiramdam ng maliliit nating kababayan na inaasahan ang laman ng kanilang GCash, lalo na ‘yung mga walang hanapbuhay at mga senior citizen na umaasa lamang sa padala.
Marahil, sa iba ay ipon o pambayad lamang sa pamimili ang GCash account, ngunit marami tayong kababayan na ito rin ang ipinambabayad sa kanilang maintenance na gamot, kaya marami ang ipinagpaliban ang pag-inom ng gamot dahil nag-shutdown ang buong sistema at wala silang pambili.
Napakaraming naapektuhan dahil sa pangyayaring ito sa GCash at bilang inyong lingkod sa Senado, hindi natin ito mapapalampas dahil hindi dapat na ang isang kumpanyang inaasahan na sa araw-araw na pamumuhay ay masadlak sa hindi maipaliwanag na sitwasyon.
Kaya nang makita nating parang nalulunod sa gitna ng dagat ang sitwasyon dahil marami sa ating mga kababayan ang nagkakakawag at hindi malaman ang gagawin, naobliga tayong manawagan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong nakaraang Martes.
Ang nais ko lang naman ay kumilos ang BSP upang maglabas ng agarang panuntunan hinggil sa transparency at reliability mula sa E-wallet service providers matapos ang malawakang hindi paggana ng napakaraming GCash account.
Noong unang araw na nahinto ang operasyon ng GCash, naramdaman natin ang kanilang pagkilos para pahupain ang sitwasyon, ngunit wala silang maayos na paliwanag noong una na makakapagpahupa sa pag-aalala ng mga tao.
Ang paulit-ulit na sinasabi lamang ng pamunuan ng G-Xchange, Inc. ay maibabalik ang kanilang operasyon bandang alas-3:00 ng hapon noong nakaraang Martes, ngunit marami ang kinain ng pangamba dahil sa pangyayari.
Hindi personal ang galit ko, bahagya lamang tayong naapektuhan dahil sa sinapit ng ating mga kababayan, na ang iba ay pisikal na pinaghirapan ang kanilang pera kaya mahalagang malaman kung dapat pa ba na manatili silang naglalagak ng pera sa GCash.
Wala tayong ibang layunin sa ating pahayag kundi ang huwag mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan at makakuha agad ng maliwanag na sagot sa pamunuan ng GCash para malaman sa mas maagang panahon kung mareresolba pa ang naturang problema.
Dahil dito, noong nakaraang Miyerkules ng hapon ay nagtungo ang ilang matataas na opisyal ng GCash sa pangunguna ni Gilda Maquilan, Head ng Corporate Communication and Public Affairs ng GCash upang magbigay ng paliwanag hinggil sa nangyari.
Kasama rin sina Winsley Bangit (Chief Executive Officer, GCash New Business), Gilbert Escoto (Chief Legal Officer), Avery Anatalio (Legal Counsel), at Stephanie Lozada (Head of Contracts Management) na pawang taga GCash.
Dumalo rin sina Yoly Crisanto (Chief of Corporate Communications and Sustainability), Liza Reyes (Head of Corporate Communications), Jomel Gonzaga (Media Relations Officer), and Patricia Garcia (Corporate Communications Officer) na pawang mga taga-Globe Telecom, Inc. na bukod sa pangyayari ay may iba pang pakay sa ating tanggapan.
Aaminin ko na nakuha ng pamunuan ng GCash at ng Globe ang aking respeto dahil hindi sila nagpabaya at personal silang nagtungo sa ating tanggapan upang ipaliwanag ang lahat na isa-isa naman nating pinakinggan.
Binigyan ko sila ng sapat na panahon upang ipaliwanag ang kanilang panig at napakaraming teknikal na aspeto na hindi ko naman puwedeng isa-isahing ipaliwanag dahil baka magmukha na akong tagapagsalita ng GCash at Globe.
Ngunit sa kabuuan ay nakuha natin ang kanilang pangako na mas aayusin na umano ang kanilang operasyon at napakarami umano nilang bagong security features na ipatutupad.
Paulit-ulit silang humihingi ng paumanhin, ngunit paulit-ulit ko ring sinasabi na hindi sila dapat sa akin humingi ng dispensa dahil sa taumbayan sila nagkulang, kaya dapat sa taumbayan din sila humingi ng paumanhin.
Mabigat kasi ang naging karanasan ng marami nating kababayan na natulog lang nang mahimbing, tapos paggising ay balot na ng takot dahil sa pagkawala ng kani-kanilang pera. Gayunman, aasahan natin ang kanilang pangako na aayusin na nila ang problemang ito at sana ay kanilang tuparin.
Ipinangako ng GCash na isasauli nila ang lahat ng mga perang nawala kaakibat ng pagpapatupad ng mga bagong security, reliability at transparency measures para hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Dahil sa system shutdown ng GCash, may 81 milyong users ang naapektuhan na hindi nakapag-access o makapagbukas ng kanilang account, habang nasa 1,472 ang naiulat na nakaranas ng unauthorized transactions.
‘Yung perang nawala sa account ay puwedeng maibalik ng Globe, pero ‘yung ilang oras na kabang idinulot nila sa marami nating kababayan, lalo na ‘yung mahihirap at mga senior citizen na labis ang pag-aalala ay walang kapalit na halaga.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments