ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 20, 2023
Isa sa pinakamahalagang aspeto ng ating kalusugan bukod sa isyu ng ating pisikal na kabuuan ay ang ating mental health. Madalas ay hindi ito nabibigyang-pansin dahil mas nakatuon tayo sa mga sakit na dinaranas ng ating katawan at hindi ng isipan.
Mula nang lumaganap ang pandemya at marami sa ating mga kababayan ang dumanas ng matinding stress o depresyon — lalo na ang mga kabataan at estudyante, bilang chair ng Senate Committee on Health ay tinutukan natin ang mental health issue ng mga kababayan natin.
Sa ginanap na deliberasyon sa Senado para sa 2024 national budget ay binigyang-diin natin ang pangangailangan sa patuloy na pagpapabuti at pagpapalawak ng mga ating mental health program, at tiyakin na lahat ng uri ng suporta ay maipagkakaloob sa mga kababayan nating dumaranas ng iba’t ibang problema lalo na sa panahon ng krisis.
Kaugnay nito, noong December 18 ay naging isa sa panauhing pandangal tayo sa ginanap na 95th Founding Anniversary ng National Center for Mental Health sa Mandaluyong City. Sa okasyon ay binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na isipan sa ating lipunan. Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Senator Win Gatchalian, Senator Ronald dela Rosa at Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr.
Ipinaabot din natin sa pamunuan at mga tauhan ng NCMH na patuloy nating itataguyod at susuportahan ang mga programang makatutulong sa pagpapabuti ng health sector sa bansa dahil kailangang mag-invest tayo sa ating healthcare system. Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Hindi lang ang katawan ng bawat Pilipino ang dapat na mapangalagaan kundi maging ang kanilang isipan.
Ipinaalala ko rin na habang tayo'y nagdiriwang ng pagkakatatag ng NCMH, nawa'y maging inspirasyon din ito upang lalo pang palakasin ang ating adhikain sa pagpapabuti sa estado ng mental health sa Pilipinas. Nagpasalamat din tayo sa mga medical frontliners ng NCMH na patuloy na nagseserbisyo upang ihatid ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Habang nasa NCMH ay binisita rin natin ang Malasakit Center doon at nakipag-usap sa mga kababayan nating nakapila para makakuha ng medical assistance. Sinabi ko sa kanila na huwag silang mahihiyang lumapit dahil para sa kanila talaga ang Malasakit Center, lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act na naisabatas noon na ating inisponsor at naging pangunahing may-akda, hindi na rin kailangang magpapalipat-lipat pa sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para humingi ng tulong dahil nasa iisang bubong na ang PhilHealth, DOH, DSWD, at PCSO na handang tumulong para mabawasan ang babayaran sa ospital. Nagkaloob din ang aking tanggapan ng libreng almusal para sa mga kababayan nating nakapila para makakuha ng medical assistance sa Malasakit Center.
Nagkaroon din ng pagdinig ang Senate Committee on Health and Demography na aking pinangunahan bilang Chair ng naturang komite nitong Lunes kung saan tinalakay ang kahandaan ng gobyerno sa mga banta sa ating kalusugan. Pinaalala natin sa ating mga kababayan na patuloy na mag-ingat lalo na sa mga kumakalat na respiratory illnesses at boluntaryong magsuot ng face mask kung hindi naman sagabal. Kasama ang DOH, inenganyo rin namin ang ating mga kababayan na dahan-dahan lang sa pagkain ng matataba, matatamis at maaalat na pagkain, huwag na magpaputok, at pangalagaan ang sarili dahil ang magandang kalusugan ang pinakamagandang maireregalo natin sa ating pamilya.
Samantala, dumalo tayo sa panunumpa ng mga bagong opisyal at year-end gathering ng PDP Laban kasama si dating pangulong Rodrigo Duterte noong December 16 sa Taguig City.
Sinaksihan naman natin noong December 17 ang pagbubukas ng 2023 Batang Pinoy at ng Philippine National Games sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila City. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, todo ang suporta natin sa grassroot sports development program upang masuportahan ang mga atletang may potensyal na maaaring isabak sa pandaigdigang kumpetisyon. Gaya ng madalas kong sabihin, lagi nating ineengganyo ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan, to get into sports, stay away from drugs, to keep them healthy and fit — both physically and mentally.
Naging panauhin naman tayo noong December 18 sa ginanap na pulong ng Vice Mayors League of the Philippines sa Manila. Magkaiba man ang aming posisyon, iisa ang aming hangarin na makapagserbisyo sa kapwa sa abot ng aming makakaya.
Bumisita naman tayo kahapon, December 19, sa Carranglan, Nueva Ecija at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 888 mahihirap na residente katuwang si Cong. GP Padiernos. Matapos ito ay sinaksihan natin ang blessing ceremony ng itinayong gymnasium sa Brgy. Puncan. Bumiyahe rin tayo sa Cebu kahapon para personal na pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mahigit 1,500 pamilya ng Brgy Pusok, Lapu-Lapu City na naging biktima ng insidente ng sunog kamakailan.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad at natulungan natin ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog, gaya ng 95 residente ng Brgy. Gusa, Cagayan de Oro City; at walo pa sa Brgy. Central, Mati City.
Natulungan din natin ang mga naging biktima ng bagyong Egay sa Iloilo kabilang ang 63 sa Lambunao; at 33 sa Calinog. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa muling pagpapatayo ng kanilang bahay.
Namahagi rin tayo ng Christmas tokens sa ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.
Nabigyan din natin ng tulong ang mga nawalan ng hanapbuhay, gaya ng 430 residente ng Tangub City, Misamis Occidental kasama si Mayor Ben Canama; at 169 sa Catanauan, Quezon kasama si Mayor Jorenz Dioquino. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay pinagkalooban din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.
Mga minamahal kong kababayan, sa panahong ito ng Pasko, tayo ay nagpapaalala na ang tunay na kahulugan ng Kapaskuhan ay nasa pagmamalasakit sa kapwa, paglilingkod nang may puso at tibay ng loob, at pagbibigay ng pag-asa sa ating mga kababayan sa kabila ng mga hamon ng buhay.
Ako naman ay patuloy na maninindigan, magsisilbi at gagampanan nang buong sigasig ang aking mga tungkulin sa abot ng aking makakaya. Magtulungan po tayo upang pagdating ng panahon ay sama-sama nating maabot ang ating pangarap na ligtas at komportableng buhay para sa bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments