Serbia, hari sa FIBA 3X3 World Cup 2022 vs. Lithuania
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 28, 2022

Nakabalik na sa trono ng Crelan FIBA 3x3 World Cup 2022 ang Serbia matapos talunin ang Lithuania sa finals, 21-16, noong Lunes ng madaling araw, oras sa Pilipinas, mula sa Antwerp, Belgium.
Ito na ang ika-5 korona ng Serbia na tinampukan ng mga naglaro sa FIBA 3x3 World Tour Manila Masters noong Mayo sa Ayala Malls Manila Bay.
Binubuo ang Serbia ng numero unong manlalaro sa mundo na si Strahinja Stojacic, Dejan Majstorovic at Marko Brankovic ng kampeon Ub Huishan NE at Mihailo Vasic ng pumangalawang Liman Huishan NE. Napunta sa France ang tanso matapos talunin ang Belgium sa overtime, 18-17.
Sa gitna ng pagdiriwang ng Serbia, nabalutan ng kontrobersiya ang torneo sa biglang pag-atras ni David Carlos ng Pilipinas Sa Slam Dunk Contest. Nakatakdang lumahok si Carlos sa bisa ng kanyang pagiging kampeon sa 2021 Doha Masters subalit nagpasyang hindi na tumuloy matapos pagsabihan siya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na magsuot ng uniporme na may tatak ng sponsor.
Sa matagumpay na pagsasara ng World Cup ay babalik na ang mga manlalaro sa kanilang koponan para sa World Tour. Nakalinya ang mga pangunahing koponang Pinoy na Cebu Chooks at Manila Chooks na sumabak muli sa mga torneo sa Europa upang lalong pataasin ang antas ng bansa sa World Ranking at makapasok sa 2024 Paris Olympics.
Maglalaro ang Cebu Chooks sa Poitiers Challenger sa France ngayong Hulyo 1 at 2. Sasamahan sila ng Manila Chooks sa Lipik Challenger sa Croatia sa Hulyo 22 at 23.
Mabigat talaga ang mga makakaharap ng Cebu sa Poitiers sa pangunguna ng Ub. Ang iba pang mga kalahok ay ang Amsterdam ng Netherlands, Sakiai Gulbele, Marjampole Mantinga at Kedainiai ng Lithuania, Vienna ng Austria, Chicago at Washington DC ng U.S., Dusseldorf LFDY ng Alemanya, Lublin Lotto ng Poland, Danube ng Serbia, Podgorica Kodio ng Montenegro, Fribourg ng Switzerland, Badalona SomDocents ng Espana at host Poitiers Drags ng France.





Comments