top of page
Search
  • BULGAR

Serbia at Qatar, tinalo ang Manila Chooks sa FIBA 3x3

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 22, 2020





Nabigo ang Manila Chooks TM na makapasok sa quarterfinals ng 2020 FIBA 3X3 World Tour Doha Masters matapos makatikim ng dalawang sunod na talo Biyernes ng gabi (Sabado ng umaga sa Pilipinas) sa Al Gharafa Sports Club. Unang natalo ang mga Filipino sa numero unong koponan sa buong mundo Liman ng Serbia, 15-22, at nagpaalam ng tuluyan kontra sa Lusail ng Qatar, 14-19.


Inilabas agad ng Liman ang kanilang bangis at lumamang, 12-7, subalit bumawi sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol para lumapit ng isang puntos na lang, 13-14. Sinagot ito ng dalawang magkasunod na buslo ni Mihailo Vasic, 16-13, at mula roon ay puro Liman na ang bumida sa likod ng mga tira ni Stefan Kojic.


Hindi pumapasok ang tira ng Manila at dalawang free throw lang ang nagawa ni Pasaol. Tinuldukan ni Stefan “Mr. Robot” Stojacic ang laro ng kanyang dos at binigyan muli ng coach ng Pilipinas 3X3 ang kanyang mga manlalaro ng isa pang malupit na leksyon.


Nanguna para sa Liman sina Vasic at Kojic na parehong may 7 puntos. Gumawa ng siyam na puntos si Munzon subalit apat lang ang na-ambag ni Pasaol at tig-isang puntos sina Leonard Santillan at Troy Rike.


Dahil sa talo, kailangan manalo kontra sa Lusail para maagaw ang pangalawa at huling puwesto sa quarterfinals para sa Grupo A. Hindi napigil ng Manila ang 6’10” higanteng si Souley Ndour at binuhat niya ang Lusail sa maagang lamang, 5-1. Nagising ang mga Pinoy at lumamang salamat sa dos ni Munzon, 8-7, subalit iyan na ang huling narinig sa kanila at hinawakan ng mahigpit ng Lusail ang laban sa likod nina Ndour at Kosta Vasileadis hanggang maubos ang 10 minuto.


Nagpasabog ng 10 puntos si Ndour habang pito ang kay Vasileiadis. Si Munzon ang muling namuno sa Manila na may 8puntos at nagdagdag ng tatlo si Santillan, dalawa kay Pasaol at isang puntos kay Rike.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page