Sequel fight nina Donaire at Inoue abangan sa Hunyo
ni Gerard Arce - @Sports | April 5, 2022

Matutupad at matutuloy na ang pinaka-aabangan at pinakahihintay na 2019 Fight of the Year sequel sa pagitan nina unified IBF/WBA/The Ring bantamweight champion Naoya “Monster” Inoue ng Japan at WBC title holder “The Filipino Flash” Nonito Donaire sa Hunyo 7 sa pagbabalik muli sa Saitama Super Arena sa Japan.
Opisyal ng inanunsyo ang matagal ng pinaplano at pinag-uusapang rematch kung saan itataya ng 28-anyos na undefeated Japanese boxer ang kanyang mga titulo laban sa title belt ng 39-anyos na tubong Talibon, Bohol na mapapanood sa Japan’s Amazon Prime Video
Nasaksihan ang bigtime na unification match nOOng Nobyembre 7, 2019 nang itaya ng 4-division World champion na si Donaire ang WBA (super) title kontra sa IBF at The Ring ni Inoue, kung saan nagtapos sa 114-113, 117-109 at 116-111 unanimous decision pabor sa Japanese at makuha rin ang World Boxing Super Series bantamweight division.
Naging makasaysayan ang banatan ng dalawang boksingero na maituturing na isa sa mga matitinding palitan ng suntok, kung saan matapos ang laban ay nagtamo ng orbital bone fracture at nagkaroon ng cut sa kanang mata, ngunit naging malaking tulong ang 11th round knockdown ni Inoue para maselyuhan ang panalo.
Sapol ng matalo sa mas batang si Inoue, muling bumangon ang Filipino-American, para agawin ang WBC 118-pound title kay Nordine Oubaali ng France via 4th round knockout noong Mayo 21, 2021, habang sa parehong taon ay matagumpay na nadepensahan ang titulo sa kababayang si Reymart “Assassin” Gaballo sa bisa ng 4th round knockout nitong Disyembre 11.
Dahil sa pagkapanalo kay Oubaali ay itinalaga itong pinakamatandang bantamweight na nagkampeon sa kasaysayan ng boksing at umangat sa 13-1 sa kanyang dibisyon.





Comments