top of page
Search
  • BULGAR

Separation pay imbes na reinstatement sa sinibak na empleyado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 13, 2024



Dear Chief Acosta,


Ako ay naglilingkod bilang isang pintor sa isang construction company. Nang ako ay magkasakit ay bigla na lamang akong pinag-sick leave. Ito ay umabot ng halos anim na buwan at kahit ako ay bumalik na mayroong dalang ‘fit to work’ na medical certificate ay hindi ito tinanggap ng aking employer at hindi na rin ako pinabalik sa trabaho. Ako ay nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa aking employer. Mahigit limang taon na rin tumatakbo ang aking kaso. Ayaw ko na rin naman bumalik sa trabaho at nais ko na lamang na mabayaran ang aking ilang taon ng pagseserbisyo dahil may lamat na ang relasyon ko sa aking employer. Maaari bang separation pay na lamang ang aking hilingin kapalit ng reinstatement kung sakaling ako ay pabalikin sa trabaho? -- Daisy


Dear Daisy,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Steelweld Construction/Joven Sta. Ana and Josephine Sta. Ana vs. Serafin H. Echano, Renato Salazar, and Roberto E. Copillo, G.R. No. 200986, 29 September 2021, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Amy Lazaro-Javier. Sang-ayon sa Korte Suprema, ang paghingi ng separation pay ay isang indikasyon ng strained relations. Ayon sa Korte Suprema:


Separation pay is granted when: a) the relationship between the employer and the illegally dismissed employee is already strained; and b) a considerable length of time had already passed rendering it impossible for the employee to return to work. A prayer for separation pay is an indication of the strained relations between the parties. Since respondents here are opting for separation pay, in lieu of reinstatement, and considering the lapse of eleven (11) long years ever since they got illegally dismissed, their reinstatement at this time may no longer be practicable. The Court, therefore, modifies the order of reinstatement of the NLRC, and in lieu thereof, orders the payment of respondents’ separation pay with backwages.” 


Ayon sa Korte Suprema, may dalawang pamantayan upang bayaran ng separation pay ang isang illegally dismissed na empleyado, sa halip na ibalik sa trabaho o ma-reinstate. Una, dapat ay may lamat na ang pagsasama ng empleyado at kanyang kumpanya. Ikalawa, dapat ay may mahabang panahon na ang lumipas kaya imposible nang ibalik ang empleyado sa trabaho.


Gaya sa iyong kaso, ang iyong paghingi ng separation pay kapalit ng reinstatement ay maaaring makonsidera bilang patunay ng pagkakaroon ng strained relations. Gayundin, ang paglipas ng limang taon ay maaaring maging dahilan upang sabihin na imposible na rin na ikaw ay ibalik sa trabaho. Dahil sa mga nabanggit, puwedeng maggawad ng separation pay in lieu of reinstatement sa iyong kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page