Senyales na magiging tagapagmana
- BULGAR
- Apr 19, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 19, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Renato ng Olongapo.
Dear Maestra,
Isa akong sakristan sa simbahan namin. Payapa at panatag ang aking buhay sa piling ng aking pamilya. Masaya ako kahit simple lang ang aming buhay at hindi naman masasabing kabilang sa mayayaman sa aming lugar.
Madalas kong mapanaginipan na ako ay nagse-serve sa Cathedral kasama ng mga Obispo. Maraming natuwa dahil sa halip na sa simbahan lang ako mag-serve bilang sakristan ay sa Cathedral pa ako na-assign. Ako naman ay walang pagsidlan ng kagalakan dahil sa mga pangyayari. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Renato
Sa iyo, Renato,
Napakaganda ng ibig sabihin ng panaginip mo dahil ito ay nangangahulugan na makatatanggap ka ng malaking halaga galing sa kamag-anak mo o isa ka sa magiging tagapagmana niya. Ito rin ay nagpapahiwatig na makatatanggap ka ng magandang balita mula sa kasamahan mo sa simbahan.
Gayundin, sobrang tuwa ang mararanasan mo sa susunod na mga araw, kaya ngayon pa lang ay magpasalamat ka na sa Diyos Amang kataas-taasan. Sadyang may nakalaang gantimpala sa mga taong taimtim na naglilingkod sa Diyos nang walang hinihintay na kapalit at isa ka sa gagantimpalaan ng Diyos dahil sa iyong katapatan sa Kanya. Sabi nga sa Biblia, “Seek ye first the kingdom of God and His righteousness and all this things shall be added unto you.” Amen.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments