top of page
Search
  • BULGAR

Senyales na aalukin ng ilegal na trabaho pero tatanggi

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 21, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Oscar ng Antipolo.


Dear Maestra,

Isang mapagpalang araw ang bati ko sa inyo. Nawa’y palagi kayong ligtas sa kapahamakan at may magandang kalusugan, gayundin ang mga mahal n’yo sa buhay.

Labis akong nasisiyahan sa pagbabasa ng column n’yo, kaya naisip ko nang magtanong din tungkol sa panaginip ko. Napanaginipan kong pumunta ako sa dentista upang magpabunot ng ngipin. Agad naman akong pinaupo ng dentista upang bunutan ng ngipin at hindi ako nasaktan kahit maraming ngipin ang tinanggal sa akin. Payapa akong tumayo sa upuan matapos bunutin ang ngipin ko at masayang nagpasalamat sa dentista. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Oscar


Sa iyo, Oscar,

Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking column. Labis din akong nasiyahan dahil naisipan mong sumangguni ng iyong panaginip.


Ang ibig sabihin ng pumunta ka sa dentista at agad na umupo para magpabunot ng ngipin ay nangangahulugang may mag-aalok sa iyo ng ilegal na gawain, kumbaga, malaki ang iyong kikitain ngunit bawal.


Dahil d’yan, hindi mo ito papatulan dahil alam mong masama, malaking kasalanan at magdudulot sa iyo ng kapahamakan. At dahil ayon sa panaginip mo ay tumayo ka na sa upuan pagkatapos mong bunutan ng ngipin, nagpapahiwatig ito na nalagpasan mo ang pagsubok na ‘yun sa iyong buhay at nanaig sa iyo ang kabutihan ng puso at kalooban. Matagumpay mo itong naiwasan at natuto ka ring maging maingat sa pagpili ng mga kaibigang iyong pagkakatiwalaan. Ipagpatuloy mo ang pagtahak sa tamang landas ng buhay. Maging mabuting halimbawa ka sa iyong mga kapwa upang ang biyaya ay tuloy-tuloy na dumaloy sa iyong buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page