Senyales na aahon sa kahirapan at paalala na maaasahan ang mga kaibigan sa oras ng kagipitan
- BULGAR
- May 19, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 19, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Loida ng Capiz.
Dear Maestra,
Isa ako sa tagasubaybay ng column n’yo sa BULGAR dahil labis akong nasisiyahan sa pag-aanalisa n’yo sa mga panaginip. Gusto ko ring malaman kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko kung saan nag-uusap kami ng nanay ko, tapos ang tagal ng usapan namin pero masaya kami at magkasundo sa aming pinag-uusapan. Napagkasunduan naming umakyat ng bundok, sumagap ng sariwang hangin at mag-exercise, magbanat ng buto sa pamamagitan ng paglakad papaakyat sa bundok. Pagdating sa tuktok ng bundok, ang ganda-ganda ng mga halaman at puro namumulaklak, habang ang mga puno naman ay berdeng-berde ang kulay ng mga dahon. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Loida
Sa iyo, Loida,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nag-uusap kayo ng nanay mo at napagkasunduan n’yong umakyat sa bundok ay kaginhawaan sa buhay na malapit mo nang makamit sa mga darating na araw. Ibig sabihin, giginhawa ka na at mahahango sa mga kahirapang dinaranas mo ngayon.
Nagpapahiwatig din ito na bagama’t dumaan ka sa matinding pagsubok, kakamtin mo na ang gantimpala ng iyong pagpapagod.
Samantala, ang mga halamang namumulaklak at berdeng dahon naman ay nagpapahiwatig ng mga kaibigan na tapat sa iyo at maaasahan sa sandali ng kagipitan. Mapalad ka dahil nakaalalay sa iyo ang tadhana. Ipagpatuloy mo ang pagsusumikap at pagiging mababang loob sa kabila ng iyong tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments