Sentimos lang ang iro-rollback sa gas, pero DOE todo-pabida na
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 25, 2023
MGA SCALAWAG AT BAD COPS, LAGOT SA MAG-MISTAH NA SINA GEN. NARTATEZ AT GEN. CARAMAT -- Pitong araw o makalipas ang isang linggo matapos ipadismis ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. noong September 13, 2023 ang walong pulis-Navotas na sangkot sa pagkamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar na napagkamalan nilang crime suspect nitong September 19 ay dalawang pulis-kotong sa Cavite ang ipinahuli naman ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, Gen. Romeo Caramat.
Hindi nagkamali ang PNP leadership sa pagtalaga kina NCRPO chief Gen. Nartatez at CIDG chief Gen. Caramat na mag-mistah sa Philippine Military Academy (PMA) Class ‘92, kasi sa ipinakikitang aksyon ng mag-mistah na ito, lagot at “may paglalagyan” ang mga scalawag at bad cops sa PNP, period!
◘◘◘
HINDI PA NGA NATUTUPAD ANG 50 SENTIMONG ROLL BACK SA DIESEL AT KEROSENE, DOE OFFICIAL TODO-PABIDA NA -- Ibinida ni Dept. of Energy Oil Management Bureau Chief Rino Abad na posible raw mangyari na magka-rollback ng 50 sentimo kada litro sa presyo ng diesel at kerosene.
Pambihira naman ‘tong DOE official na ‘to, kasi sunud-sunod ang oil price hike na laging higit piso ang itinataas, tapos ayon sa kanya posible pa lang na ibig sabihin ay hindi pa natutupad ang rollback na 50 sentimo lang ang ibababa sa kada litro, ay todo-pabida na, buset!
◘◘◘
ANG MGA LINGKOD-BAYAN KAPAG BUDGET DELIBERATION, NAGIGING LINGKOD-KAPWA TRAPO NA -- Ang tawag sa mga senador at kongresista ay mga lingkod-bayan.
Ipinagkatiwala ng mamamayan ang kanilang boto sa mga “lingkod-bayan” na ito upang gumawa ng mga batas para sa bayan at sambayanang Pilipino, pero sa kada budget deliberation ay iba ang ipinakikita ng majority senators and congressmen sa publiko, lumabas na hindi sila lingkod-bayan, kundi lingkod sa mga kapwa nila trapo (traditional politicians).
Imbes kasi busisiin nang husto ang budget na ipagkakaloob sa bawat ahensya ng pamahalaan kung karapat-dapat itong bigyan ng confidential funds, eh mantakin n’yo, ang ginagawa ng mga sen. at cong. ay give nang give ng “confi funds” sa mga departamento na ang namumuno ay mga kapwa nila trapo, mga pwe!
◘◘◘
IBASURA SA ELEKSYON ANG MGA PARTYLIST REP. NA HINDI MAKIKIISA SA PANAWAGANG HUWAG TAPYASAN NG BUDGET ANG MGA SUCs -- Sinuportahan nina ACT Teacher partylist Rep. France Castro, Gabriela Womens partylist Rep. Arlene Brosas, 4Ps partylist Rep. JC Abalos at APEC partylist Rep. Sergio Dagooc, ang resolusyon ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel na huwag aprubahan ng Kongreso ang pagtapyas sa budget ng state universities and colleges (SUCs).
Aba teka, sandamakmak ang partylist representatives sa Kongreso, eh bakit limang partylist representatives lang ang nakikipaglaban na huwag bawasan ang budget para sa free college education sa mga SUCs?
Panawagan natin sa mga kabataang mag-aaral, pati sa kanilang mga parents at pamilya, na ang mga partylist na hindi makikiisa sa panawagang huwag tapyasan ang budget ng mga SUCs, ay ibasura nila sa 2025 elections, period!





Comments