top of page

Senior Citizens Act, napapanahon dahil sa dumobleng bilang ng mga lolo at lola

  • BULGAR
  • Aug 26, 2022
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 26, 2022


Isa sa sektor na kung hindi man napapabayaan ay hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ay ang hanay ng mga senior citizen o may mga edad na 60 pataas.


Base sa datos na inilabas ng Commission on Population and Development (POPCOM), dumoble ang bilang ng matatanda sa Pilipinas sa loob ng nagdaang dalawampung taon na ang ibig sabihin ay magiging doble rin ang kanilang pangangailangan.


Mula sa 4.5 milyong bilang noong 2000 ay umakyat ito sa 9.2 milyon nitong 2020, na karamihan sa mga ito mula sa hanay ng kababaihan na mas higit na mahaba ang buhay kumpara sa mga lalaki na karaniwan ay nasasawi sa pakikipagsapalaran.


Hindi maisasaisantabi na kaakibat ng pagdami ng populasyon ng mga lolo at lola ang mga problemang kanilang kinakaharap, tulad ng pagiging masasakitin, baldado o wala nang kakayahang kumilos ng normal at karamahin pa rin ay mga babae.


Paulit-ulit ay nananawagan ang POPCOM na dapat ay maging aktibo ang mga senior citizen sa kanilang lifestyle at piliin ang pagiging malusog na pamumuhay para makaiwas sa pagkakasakit o malubhang karamdaman.


Base sa pag-aaral at inaasahang pananaw ng POPCOM, sa pagsapit umano ng 2035 ay mas dumami pa ang mga senior citizen sa bansa na hihigit pa ng 10% sa kabuuan nitong populasyon kaya kabi-kabila na naman ang isinusulong ng iba’t ibang ahensya para sa kapakanan ng mga matatanda.


Kabilang na ang mga community-based rehabilitation, geriatric care at institution para sa matatanda para lamang matugunan ang kani-kanilang pangangailangan kapag dumating ang inaasahang panahon.


Ang malaking problema ng mga senior citizen sa ating bansa ay ang kakulangan ng kahandaan at isa lamang sa bawat limang matatanda ang nakatatanggap ng buwanang pension dahil karamihan ay umaasa na lamang sa mga kaanak.


Bilang mambabatas ay pinag-aaralan nating mabuti ang pagsulong sa employment ng matatandang malakas pa ang pangangatawan o kaya ay tulungan sila na magkaroon ng kahit part time job man lamang.


Kung ibabase natin sa kasalukuyang poverty threshold sa bansa ay kailangang may dalawang nagtatrabaho sa isang pamilya para masuportahan ang mga pangangailangan ng senior citizen.


Kaya napapanahon ang isinulong nating panukala, kamakailan dahil sa maraming matatanda ang hindi lubusang napapakinabangan ang kanilang senior citizen ID dahil sa ginagawang pagpapalusot ng mga walang pusong establisimyento na ayaw magbigay ng diskwento.


Kabilang na ang ilang kilalang drug store, grocery store na pinipili lamang ang mga binibili ng mga senior citizen na binibigyan ng diskwento dahil sa pagdaan ng panahon ay nakitaan na nila ng butas ang batas para makapagpalusot.


Ilang insidente na ang aking nasaksihan na ang isang matanda ay nakikipagtalo at pilit na ipinaglalaban ang prebilehiyong dapat nilang matamasa, ngunit dahil sa napaghandaan na ng mga negosyante ang ikakatuwiran ay walang magawa ang pobre nating lolo at lola.


Ito ang dahilan kaya isinumite ko ang panukalang batas na ‘Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act’ na kinapapalooban pa ng mga karagdagang benepisyo.


Ang naturang panukala ay naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7432 o ang ‘The Senior Citizens Act’ na kasalukuyang nagbibigay ng 20% diskuwento at hindi pa kabilang sa pagbabayad ng value-added taxes (VAT) para sa senior citizens, kabilang na ang pagbili sa lahat ng gamot, supplements, vitamins, herbal products at formulated milk na ineresata ng kani-kanilang doktor.


Dahil sa kasalukuyang lengguwahe ng batas, ang pagkawala o hindi maayos na pagtukoy sa terminong ‘medicine’ ay nagiging palusot para hindi tanggapin ng mga business establishment ang prebilehiyo na dapat pakinabangan ng mga senior citizen, ayon sa umiiral na batas.


Sa ilalim ng panukalang amyenda ay maisasayos pa ang mga kalituhan o kakulangan dahil sa lilinawin na ang mga katagang medicines, supplements, vitamins, herbal products at formulated milk na kasama dapat sa mga prebilehiyo.


Ang pagtukoy sa mga vital products na dapat bigyan ng diskwento sa mga pamilihan ay malaking tulong para matiyak na makukuha ng mga senior citizen ang prebilehehiyong dapat nilang pakinabangan.


Bibigyan natin ng tukoy na kahulugan ang katagang ‘medicine’ para sa prescription/over-the-counter drugs, maging generic o branded basta’t inireseta ng doktor at aprubado ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na inilaan para magamit sa diagnosis, cure, mitigation, treatment o pag-iingat sa disease o anumang sakit.


Kunsabagay hindi naman dapat ipag-alala ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga senior citizen dahil kasabay ng kanilang pagdami ay tumataas din ang bilang ng mga nasa working age o mga edad na maaari nang makapagtrabaho.


Pero sa panukala kong ito ay lalaki ang pakinabang ng ating mga lolo at lola dahil mawawala na ang butas ng batas na ginagamit na palusot ng mga walang awang business establishments na akala yata ay hindi sila tatanda.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page